EXPLANATION OF VOTE: HB 8389 'Anti-Political Dynasty Act'
Bumoto ako ng “No” sa House Bill 8389 dahil sa pagiging hungkag at mapanlinlang nito sa tunay na layuning buwagin ang mga dinastiyang politikal sa bansa. Nagsisilbi lamang itong palamuti at hindi tunay na tumitibag sa monopolyo sa kapangyarihan ng iilang pamilyang makapangyarihan na naghahari sa ating lipunan.
Mali ang argumentong kailangang “timbangin” ang karapatan sa pagboto laban sa pagbabawal sa mga dinastiya. Walang anumang kontradiksyon sa pagitan ng pagbabawal sa mga dinastiya at sa karapatan sa suffrage; sa katunayan, ganap na konsistent ang pagbabawal na ito sa pagtataguyod ng demokratikong proseso. Pinoprotektahan at pinalalawak ng pagbuwag sa mga dinastiya ang karapatan sa pagboto at kaakibat na karapatang tumakbo ng nakararaming mamamayan na matagal nang ginigipit ng makinarya, yaman, at pananakot ng mga naghaharing-uri.
Maihahalintulad ang usaping ito sa batayang prinsipyo ng tunay na reporma sa lupa. Nililimitahan ng estado ang karapatan sa ari-arian ng iilang panginoong maylupa upang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka at matiyak ang katarungang panlipunan para sa nakararami. Ganito rin ang lohika sa larangan ng politika: kailangang limitahan ang “karapatan” ng iilang pamilyang tradisyonal na politiko na maghalinhinan sa pwesto upang bigyang-daan ang tunay na partisipasyon at representasyon mula sa hanay ng ordinaryong mamayanan.
Nabigo ang HB 8389 na gawin ito dahil sa dami ng mga butas na pabor sa mga dinastiya, gaya ng pagpapahintulot sa kanila na tumakbo at umupo sa ibang distrito, partylist, o antas ng gobyerno. Hindi kailangan ng mamamayan ang ganitong klaseng kompromiso na nagpapanatili lamang sa bulok na sistema ng paghahari ng iilan.