Back to List
Logo
kuwentas klaras
2019-01-16

“Dead end na ako”

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

“Dead end na ako”

January 16, 2019

** **

Ano ang mangyayari kay Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng kanyang termino sa 2022?

Malinaw na pinag-iisipan niya ito. Sa kanyang talumpati sa Kidapawan City noong Disyembre 29, nagbitaw siya ng ilang pahayag na nagpasilip sa kanyang pag-iisip tungkol sa kanyang kalalagyan matapos manungkulan bilang Pangulo: “Eh ako wala naman akong posisyon. Pagkatapos nito, saan ako magpunta? Hindi ak makapagtakbo dito maski kagawad dito wala na. Lumipat man ako dito hindi makatakbo. Dead end na ako… Ako gusto ko na ring mamatay. Kasi wala akong mapuntahan pagkatapos nitong three years eh. Saan man ako?”

Ating namnamin ang pahayag ni Duterte ng pangamba sa harap ng publiko: “Pagkatapos nito, saan ako magpunta?” Bilang abogado, alam ni Duterte na hindi totoong “hindi na ako makapagtakbo” matapos ng pagka-pa­ngulo. Si Gloria Arroyo, tumakbo, naging kongresista at kasalukuyang House Speaker. Si Erap, naging mayor ng Maynila. Maaaring tumakbo si Duterte sa alinmang halal na puwesto – maliban lang para sa ikalawang termino bilang Pangulo, na ipinagbabawal ng Saligang Batas.

“Dead end” nga ba si Duterte pagsapit ng Hunyo 30, 2022? Ano ang pinagmumulan ng kanyang pangamba? Batid niya na kung magkaroon ng pagbabago ng rehimen sa 2022 at maluklok sa poder ang oposisyon, malaki ang posibilidad na sa kulungan ang kanyang kalalagyan.

Mula nang mapatalsik sa puwesto ang diktator na si Marcos, masasabing isa nang kaakibat na panganib ng pagiging presidente ng Pilipinas ang sapilitang pagbabakasyon sa piitan pagkatapos ng kanyang panunungkulan. Ganyan ang sinapit ni Erap sa kamay ni Arroyo, at ni Arroyo kay Aquino. Sa kaso ni Noynoy, hindi nagkukulang ang pagsisikap ng administrasyon na idiin siya sa iba’t ibang kaso (dengvaxia, presidential pork barrel, SAF 44). Gayunman, tanging si Sen. Leila de Lima pa lamang ang napagbuntonan ng higanti ng kampong Duterte.

Kung gayon, asahan natin na pa­ngunahing layunin ni Pangulong Duterte sa hu­ling tatlong taon ng kanyang termino ang paghadlang sa regime change at pagtiyak ng regime extension. Paano matitiyak na mananatili sa kamay ng pangkat ni Duterte ang Malakanyang lampas ng 2022? Sa punto de bista ni Duterte, pinakamainam kung manatili siyang pangulo nang habang-buhay; kasunod ang paghalili ng kamag-anak, at panghuli ang pagtiyak na maaasahang kaalyado ang papalit.

Ito ang dahilan kung bakit hindi tinatantanan ng rehimeng Duterte ang pagtahak sa iba’t ibang posibleng landas upang makapanatili sa poder – mula sa tumitinding panunupil sa mga kritiko ng rehimen, pagbabago ng Saligang Batas, hanggang sa deklarasyon ng batas militar sa buong bansa at pagluklok kay Duterte bilang diktador.