Giyera kontra musmos
Giyera kontra musmos
January 23, 2019
Jan 22, 2019
Kabilang sa iilang paksa na paulit-ulit na binabalikan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga talumpati ang usapin ng mga batang nasasangkot sa krimen.
Ayon sa kanya, lumala umano ang kriminalidad sa bansa mula nang maisabatas noong 2006 ang Republic Act 9344, na nagtaas ng minimum na edad ng pananagot sa krimen (minimum age of criminal liability) sa 15 taong gulang.
Lumaganap na raw ang mga batang gumagawa ng krimen, na ginagamit ng mga sindikato dahil alam nilang hindi mapananagot ang mga ito alinsunod sa umiiral na batas. Ang kanyang solusyon? Amyendahan ang RA 9344 at parusahan bilang kriminal ang mga batang siyam na taong gulang pataas.
Tulad ng kanyang labis na pagpapalaki sa bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga sa bansa (apat na milyon daw, hindi 1.8 milyon na pahayag ng PDEA batay sa isang pormal na pag-aaral), walang anumang siyentipiko at makatotohanang batayan ang mga pahayag ni Duterte hinggil sa papel ng mga bata sa paglaganap ng kriminalidad. Tulad ng kanyang pangako na wawakasan ang problema ng iligal na droga sa loob ng anim na buwan, huwad ang kanyang pagpuntirya sa mga musmos bilang solusyon sa kriminalidad.
Kailangan ng alinmang tunay na solusyon sa kriminalidad ang komprehensibong reporma sa buong sistema ng hustisya, mula sa hanay ng kapulisan hanggang sa mga korte at piitan. Higit pa, kailangang harapin ang kahirapan, kawalan ng empleyo, kakapusan ng edukasyon at iba pang panlipunang salik ng krimen.
Hindi ito ang itinutulak ni Duterte. Sa halip, ginagamit niya ang paboritong taktika ng mga pasista at diktador – ang paglikha ng malawak ng suporta ng publiko sa kanyang paghahari sa pamamagitan ng pagbukod at pagpuntirya sa ilang bulnerableng grupo na pagbubuntunan ng sisi bilang ugat ng mga kasamaan sa lipunan. Ganito ang ginawa ni Hitler sa mga Hudyo; ni Trump sa mga migrante; at ni Duterte sa mga adik. Ngayon, idagdag pa rito ang mga musmos na anak ng maralita.
Kung mapaniniwala ka ni Duterte na simple lang ang problema ng lipunan – ang paglipana ng mga adik at batang kriminal – mapaniniwala ka rin niya na simple lang ang solusyon: Ang paggamit ng dahas ng estado laban sa kanila. Patayin ang mga adik at ikulong ang mga batang walang muwang. ‘Yan daw ang susi sa pag-unlad ng lipunan, ayon kay Duterte.
Samantala, tuloy ang ligaya ng mga drug lord, sindikatong kriminal, tiwaling opisyal ng gobyerno, gahamang kontratista, at iba pang salot sa mamamayan na umuunlad at yunayabong sa ilalim ng banayad na pagtanaw ng Poon sa Malakanyang.