Kayo ang isusunod ko this year
Kayo ang isusunod ko this year
January 30, 2019
“Kayo ang isusunod ko this year.” Iyan ang matamis na pangakong sinambit ni Pang. Duterte sa harap ng mga public school teacher ng Gregorio National High School sa Bukan, Bulacan noong Enero 10. Tinutukoy niya ang pagtaas ng suweldo ng mga guro kasunod ng pagpapatupad ng pagdoble sa basic pay ng mga pulis, sundalo, at iba pang unipormadong empleyado ng gobyerno.
Hinarap muli ni Duterte ang usapin ng suweldo ng guro bilang pambawi sa batikos na inani ng kanyang administrasyon mula nang malantad ang paniniktik o profiling na ginagawa ng Philippine National Police sa mga kasapi ng Alliance of Concerned Teachers sa buong bansa. “The President loves the teachers,” ani Presidential Spokesperson Panelo. “He has promised to double the salary,” dagdag pa niya, at maaasahan raw ito sa loob ng 2-3 buwan.
Bilang patunay umano na seryoso si Duterte sa kanyang pangako, inanyayahan pa niya ang mga guro sa Malacañang para makipagpirmahan sa isang pormal na kasunduan: “I am willing to strike a deal in the presence of Secretary Briones, with the teachers. You can choose the date, January, do it fast, then we can make even an agreement or manifesto, choose whatever kind of document.” ‘Di nakatiis si Duterte kaya nagpahabol ng pitik sa kaliwa: “I can maybe accommodate your representatives, go to Malacañang, but not the left.”
Malinaw na ACT ang ‘makakaliwang’ grupo ng mga guro na nais iitsapwera ni Duterte sa niluluto niyang photo opportunity sa Malacañang. Gusto niyang i-menos ang hindi maikakailang papel ng ACT sa laban para itaas ang suweldo ng mga guro at iba pang kawani ng gobyerno.
Bilang kanilang kasama at kasangga, nakatitiyak akong hindi mahalaga sa ACT ang pagkilala ni Duterte. Higit na mahalaga ang makamit ang inaasam na umento. Tanong: tutuparin ba ni Duterte ang kanyang pangako? May ibibigay bang salary increase ang kanyang administrasyon ngayong 2019?
Wala – kung pagbabatayan ang 2019 General Appropriations Act na malapit nang isabatas ng Kongreso. Bukod sa ika-4 at huling installment ng umento sa bisa ng Executive Order 210 ni dating Pang. Aquino, na magbibigay ng dagdag na Php 605 kada buwan sa Teacher I at iba pang rank-and-file na kawani, walang ibang pondong nakalaan para sa salary increase sa 2019 national budget. Bukod sa maliit, napakalayo nito sa ‘pagdoble’ ng suweldo o kahiman sa signipikanteng dagdag na magpapantay sa suweldo ng guro (Pjp 20,179) at pulis (Php 29,668).
Nakataya ang kredibilidad ni Duterte sa hanay ng mga guro.