Tuparin ang pangako
Tuparin ang pangako
June 26, 2019
Sa unang araw ng bagong school year, muling pinatampok ng mga pampublikong guro ang kanilang panawagan para sa dagdag na suweldo.
Karugtong ng pagpapaalala sa Malacanang ng pangako ni Pang. Duterte sa kanila na pagkatapos itaas ang suweldo ng mga pulis at sundalo, “kayo ang isusunod ko,” ang hamon: “Tuparin ang pangako!”
Sa isang talumpati kamakailan, ipinaliwanag ni Pang. Duterte na nahihirapan silang magpalitaw ng pondo dahil napakarami umano ng mga guro kumpara sa sundalo at pulis: “But remember there are millions of teachers.”
Milyon-milyon nga ba ang bilang ng mga public school teacher sa buong bansa? Ayon sa Department of Education, 827,733 ang totoong bilang.
Ikumpara ito sa tinatayang 386,210 unipormadong personnel na nabiyayaan ng pagdoble ng basic pay noong 2018 (171,500 sundalo ng AFP; 170,00 pulis ng PNP; 23,030 bumbero ng BFP; 11,980 jail guards ng BJMP; at 9,700 ng Philippine Coast Guard).
Mas marami nga ng higit doble ang mga guro. Pero hindi “millions.” Tulad ng iba pang “figures of speech” ni Pang. Duterte, may rason sa likod ng kanyang pananlita. Mukhang mapapako ang pangako.
Sumawsaw na rin sa isyu ang mga mala-king negosyante. Pinayuhan kamakailan ng Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Philippine Business for Education, at iba ang administrasyon na umalalay lang sa umentong ibibigay sa mga guro (“moderated adjustments in pay”).
Isa sa kanilang mga argumento: napag-iiwanan na ng suweldo ng public school teacher ang suweldo sa private schools. Totoo yan. Pero bakit mababa ang suweldo sa private? Dahil laganap ang pag-abuso sa kontraktuwalisasyon ng mga pribadong paaralan. Umaabot sa tatlong taon ang probationary period ng kanilang mga guro. Habang probationary, minimum wage lamang ang tinatanggap nila. Dahil dito, hindi katanggap-tanggap na gawing huwaran ng suweldo ng guro ang kasalukuyang natatatanggap ng mga private school teachers.
Ayon kay Deped Sec. Briones, nasa Php 150 bilyon ang kailangan upang maipantay ang suweldo ng Teacher I sa basic pay ng pulis at sundalo. Saan ito kukunin?
Pahintulutan akong magmungkahi. Maaaring pagsimulan ang Php 95.3 bilyon na sinibak ni Pang. Duterte sa 2019 budget sa pamaagitan ng presidential veto.
Ito ang pondo sana para sa mga pork barrel projects na pinag-awayan ng Kongreso at Senado. Nariyan ang pondo at maaaring gamitin para sa umento. Makatitiyak pa tayo na deretso ito sa bulsa ng mga guro, hindi sa kurakot.
Tutuparin ba ni Pang. Duterte ang kanyang pangako? Malalaman natin sa katapusan ng Hulyo, sa pagsumite niya sa Kongreso ng pambansang badyet para sa 2020.