Back to List
Logo
kuwentas klaras
2019-07-03

Bigyan ng toilet paper

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Bigyan ng toilet paper

July 03, 2019

“Pupunta ako sabihin ko get out, this is the Cons­titution. Sabihin sa’yo naubusan ka na ng toilet paper, gamitin mo ‘yan.”

Yamang nagawa niyang tawaging estupido ang Panginoong Diyos ng mga Kristiyano (“Who is this stupid God?”) at pagtawanan ang pagkapako sa krus ni Hesukristo (“‘Yong Diyos mo, pinako sa krus. Tangina. Nakakawala ng bilib. Ako ang Diyos, tapos ipako mo ako? Putangina.”), maliit na bagay lamang marahil kay Pangulong Duterte ang paghalintulad niya sa Saligang Batas—na pinagmumulan ng kanyang awtoridad at sinumpaang tungkulin niyang ipatupad—sa papel na pamahid ng puwet.

Binitiwan ni Duterte ang mga salitang ito bilang tugon sa mga kritikong nagsasabi lamang ng simpleng katotohanan: Labag sa Konstitusyon ang kanyang pagpayag sa pangingisda ng mga Tsino sa Recto Bank. Nakasaad sa Artikulo XII ng Konstitusyong 1987: “Dapat pangalagaan ng Estado ang yamang-dagat ng bansa sa mga karagatang pangkapuluan, dagat teritoryal at eksklusibo na sonang pangkabuhayan nito, at dapat ilaan ang eksklusibong paggamit at pagtatamasa nito sa mga mamamayang Pilipino.”

Nasaan nga ba ang Recto Bank? Nasa 150 kilometro sa hilagang-kanluran ng Palawan, o ang distansiya mula Quezon City hanggang Lucena. Samakatwid, pasok na pasok sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Tungkulin ng Pa­ngulo na ipagtanggol ang “eksklusibong paggamit at pagtamasa” ng mga Filipino sa yamang-dagat nito. Sukdulang pagtaksil ang pagpahintulot ng Pangulo sa mga Tsino sa Recto Bank “because we’re friends.” Kung hindi niya ipagla­laban ang soberanong karapatan ng Pilipinas matapos ng pagsagasa at pag-abandona ng barkong Tsino sa 22 mangi­ngisda ng F/B Gem-Ver I, maaaring tuluyan nang agawin at ipagkait ng Tsina ang Recto Bank sa mga Filipino, katulad ng nangyari sa Bajo de Masinloc sa kanluran ng Zambales.

Bakit mahalagang ipagtanggol ng Pilipinas ang Recto Bank? Hindi lamang isda at iba pang biyaya ng dagat ang napakikinabangan natin dito. Saklaw ng Recto Bank ang 468,000 ektaryang bloke ng karagatang tinatawag ng Department of Energy na Area 7. Sa pagtaya ng DOE, matatagpuan dito ang “165 million barrels of oil and 3,486 billion cubic feet of gas.” Nasa estratehikong interes ng Pilipinas na madebelop sa lalong madaling panahon ang mga rekursong ito bilang pampalit sa Malampaya gas field, na pinagmumulan ng kuryente ng halos 40% ng Luzon, at tinatayang masasaid na pagdating ng 2025.

Ang yamang-enerhiya ring ito ang dahilan kung bakit gustong agawin ng Tsina ang Recto Bank. Kung hindi kayang ipag­laban ni Duterte ang mga isda ng Recto Bank para sa mga Pilipino, paano pa kaya ang langis at natural gas nito?