No. 1 abogado ng Tsina
No. 1 abogado ng Tsina
July 24, 2019
July 23, 2019
Sa nakaraan, binansagan natin sa espasyong ito si Pang. Duterte bilang “No. 1 ahente sa negosyo ng Tsina”. Lantaran ang kanyang paggamit ng buong kapangyarihan ng Presidente ng Republika upang brasuhin ang pagpuwesto ng mga dambuhalang korporasyong Tsino sa mga estratehikong sektor ng ekonomiya.
Ginamit ni Pang. Duterte ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes upang itanghal ang kanyang sarili bilang No. 1 abogado ng Tsina sa usapin ng West Philippine Sea (WPH). Sa gitna ng lumalatay na mga batikos na tinalikuran niya ang mandato ng konstitusyon na ipagtanggol ang eksklusibong karapatan ng mga Pilipino na mangisda at makinabang sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ), muli niyang ipinaliwanag ang kanyang patakaran ng pakikitungo sa Tsina.
“Bugbog o dignidad?,” sabi umano ng isang bully sa kanyang biktima. “Gera o soberanya?” – yan naman ang paboritong koro ni Duterte. Pilit niyang pinalalabas na gegerahin tayo ng Tsina kung panindigan ng gubyerno ang ating soberanong karapatan sa WPH. Pawang kabalbalan ito na nagsisilbing palusot lamang para sa pagtahimik at pagsuko niya sa harap ng pag-agaw ng Tsina sa ating karagatan, kapalit ng kwestyonableng pautang at pamumuhunang Tsino. Naglista kamakailan si Associate Justice Antonio Carpio ng Korte Suprema ng anim na konkretong “non-war options” (mga inisyatibang diplomatiko, ligal, panseguridad, at pribadong sektor) upang pabulaan ang kasinungalingang ito.
May dalawa pang pahayag si Pang. Duterte tungkol sa WPH na tunay na nakababahala para sa mga patriyotikong Pilipino. Una: “China also claims the property and he is in possession. … Sila ‘yung in possession and claiming all the resources there as an owner.” Iresponsable at mapanganib na paglalahat ito na hindi sumasalamin sa aktwal na sitwasyon sa karagatan. Kontrolado ng Tsina ang mangilan-ngilang islang artipis-yal at bahura, hindi ang buong WPH. Tulad ng huwad na bantang gera, nagpapalaganap siya ng kasinungalingan upang palakasin ang panig ng Tsina at pahinain ang sa atin.
Pangalawa: “Our ownership of the…West Philippine Sea is internationally recognized. However, both the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) and the Arbitral Award in the case of… Republic of the Philippines vs. People’s Republic of China’ recognize instances where another state may utilize the resources found within the coastal state’s Exclusive Economic Zone.” Masdan ang ginagawa niya rito: literal na nag-aabogado para sa Tsina, ipinagdiriinan na may ligal na batayan para manghimasok ang mga mangigisdang Tsino sa ating karagatan.
Tanong: karapat-dapat bang manatiling Pangulo ng Pilipinas ang numero unong ahente at abogado ng Tsina?