Back to List
Logo
kuwentas klaras
2019-07-31

Samsam ng digma

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Samsam ng digma

July 31, 2019

Sa mga nagwagi, mapupunta ang mga samsam ng digma.

Gayong nakabatay pangunahin sa endorso ni Pang. Duterte ang paghalal sa kanya, at napaliligiran siya ng mga karibal na personahe na hindi nagsusuko ng kanilang pagnanasa sa kanyang puwesto, kailangang tiyakin ng bagong-halal na Speaker na si Alan Peter Cayetano na magiging kasiya-siya sa iba’t ibang partido at paksyon ang hatian ng mga susing posisyon ng pamumuno sa kamara. Bukod sa titulo, may kaakibat na kapangyarihan sa pagbalangkas ng mga batas at patakaran, impluwensiya sa mga ahensiya ng gubyerno, dagdag na opisina, staff, at badyet, at higit na malaking parte ng pork barrel kumpara sa ordinaryong kinatawan ng Kongreso ang mga posisyong ito. Kung gayon, mainam na suriin ang mga pagtatalaga sa puwesto na isinagawa ng Kamara sa mga unang araw ng sesyon.

Walang ibang magawa si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kundi tanggapin ang term-sharing agreement na itinakda ng Malakanyang. Umaasa siyang makaupo bilang Speaker pagkatapos ng 15 buwan. Samantala, kuntento siyang manatiling Chairman ng Committee on Energy. Tinalaga rin bilang mga Deputy Speaker ang ilan sa kanyang mga tagasuporta, tulad ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.

Tiniyak ni Davao Rep. Paolo Duterte, isa sa mga lantad na tumutol sa pagiging Speaker ni Cayetano, ang paghirang niya bilang Deputy Speaker, nang walang ibang pinagbatayan kundi dahil anak siya ng Presidente. Nasungkit din ng kanilang paksyong “Duterte Coalition” ang Committee on Appropriation, na pamumunuan ni Davao Rep. Isidro Ungab.

Bilang Speaker, sinikap ni Cayetano na mabigyan ng puwesto ang kanyang mga kaalyado at mahawakan ang susing puwesto. Kabilang dito sina Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II; si Cavite Rep. Bambol Tolentino bilang Chair ng Committee on Accounts na may hawak sa Php 12.7 bilyon budget ng House of Representatives; Romblon Rep. Budoy Madrona sa Committee on Public Works and Highways; at si San Juan Rep. Ronnie Zamora bilang pinuno ng House contingent sa Commission on Appointments.

Gayunman, may pambihirang sitwasyon na umiiral ngayon sa Kongreso: hindi pinili ng Speaker ang kanyang Majority Leader. Si Pang. Duterte ang naghirang kay Tacloban Rep. Martin Romualdez, hindi si Cayetano. Sa katunayan, mapait na magkaribal sila. Taliwas ito sa kalakaran na Speaker ang nagtatakda ng direksyon at ipinagkakatiwala niya sa kanyang Majority Leader ang pagpapatupad nito. Kaalyado ni Romualdez ang mga kilalang loyalista ni dating Speaker Gloria Arroyo na sina Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay, na Deputy Speaker, at si Albay Rep. Joey Salceda, na Chairman ng Committee on Ways and Means.