“Ihulog mo na sa hagdan”
“Ihulog mo na sa hagdan”
August 21, 2019
Itinatakda ng batas (R.A. 9184, ang “Government Procurement Reform Act”) na igagawad ang anumang malaking kontrata ng gubyerno sa suplayer na may pinakamababang presyo matapos dumaan sa public bidding. Layunin ng ganitong sistema ang mapigilan ang graft and corruption – tulad ng overpricing at paggawad ng mga nakaupo sa puwesto ng mga kontrata ng gubyerno sa kanilang pinapaborang kontratista.
Ayaw ni Pang. Duterte sa public bidding para sa mga proyekto ng gubyerno. Kesyo nagiging dahilan daw ng pagkaantala ng mga proyekto at pinagmumulan ng kurakot. Pag-upo niya sa puwesto noong 2016, sa kanyang unang SONA, hiniling niya sa Kongreso na bigyan siya ng emergency powers para umano masolusyonan ang problema ng trapiko. Pinakatampok sa emergency powers na kanyang hiningi? Anupa kundi exemption sa public bidding para sa mga proyektong imprastruktura. Hindi binigay ng nakaraang Kongreso ang kanyang hiling.
Di pa rin napigilan si Duterte. Noong 2018, inanunsiyo niya na iiwasan ng kanyang administrasyon ang public bidding. “So henceforth, all projects of the Philippines would be something like a ‘Swiss challenge,’” aniya. Sa Swiss challenge, manggagaling sa mga kontratista ang panukalang proyekto at mamimili ang gubyerno nang pinakamainam na panukala.
Sa kabilang banda, hindi tinatago ni Duterte ang hilig niya sa pagtalaga ng mga retiradong militar at pulis sa kanyang Gabinete at bilang pinuno ng mga ahensiyang sibilyan. Masunurin daw kasi: “Pag sinabi mong ‘gawin mo yan,’ ginagawa talaga.” Di raw tulad ng mga sibilyan: “Talagang dedebatehin ka ng mga gagong ‘yan.”
Kaya pag inutos ni Duterte na walang bidding, ipatutupad ni heneral. Ganyan ang sinikap gawin ni dating Gen. Edgardo del Rosario ng Task Force Bangon Marawi. Sa tulak ng Malacanang, pinilit niya ang modang Swiss challenge sa pamamagitan ng isang Joint Venture Agreement sa pagitan ng National Housing Authority at consortium ng 5 kontratistang Tsino para sa rehabilitasyon ng Marawi. Sa bandang huli, dineklarang ilegal ang modang ito, dahilan ng patuloy na pagkaantala ng muling pagbangon ng Marawi na winasak ng mga bomba ni Duterte.
Kamakailan, nabalita ang puna ng Commission on Audit (COA) sa kontrobersyal na proeyktong Kaliwa Dam, na pinopondohan ng pautang mula sa Tsina. Ayon sa COA, nagsagawa ang MWSS (ahensyang pinamumunuan ni dating Gen. Reynaldo Velasco) ng huwad na public bidding para igawad sa China Energy ang proyekto. Antemanong diskwalipikado daw kasi ang dalawa pang kumpanyang lumahok kuno sa bidding.
Kaya pala ayaw ni Duterte sa public bidding – para tiyak na mapunta ang mga kontrata sa pinapaborang korporasyong Tsino. At kaya pala ganito ang gusto niyang mangyari sa mga taga-COA: “Ihulog mo na sa hagdan.”