Back to List
Logo
kuwentas klaras
2019-09-04

Confidential and intelligence funds

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Confidential and intelligence funds

September 04, 2019

(Tala: tinantyang petsa ng publikasyon batay sa Miyerkules; ang petsa sa orihinal na pinagmulan ay Agosto 31, 2019 (Sabado).)

Kapansin-pansin ang paglobo ng badyet para sa confidential and intelligence funds ng Office of the President matapos maluklok si Pang. Duterte sa Malacanang. Hindi lumagpas sa Php 500 milyon (Php 250 milyon para sa confidential fund at Php 250 milyon para sa intelligence fund) kada taon ang mga pondong ito sa ilalim ng administrasyong Aquino. Mula sa unang pambansang badyet na sinumite ni Duterte sa Kongreso noong 2017, ginawang Php 2.5 bilyon kada taon ang pinagsamang confidential and intelligence funds ng Presidente. Kahit mas malaki na ito nang limang beses kumpara sa nakaraan, mukhang hindi pa rin nasapatan ang Malacanang. Para sa 2020, humihingi si Pang. Duterte ng dagdag pang Php 2 bilyon, o kabuuang Php 4.5 bilyon bilang pondo para sa paniniktik (Php 2.25 bilyong confidential fund at Php 2.25 bilyong intelligence fund). Noon at ngayon, ginagamit ni Pang. Duterte ang kampanya laban sa kriminalidad bilang dahilan ng halos pagdoble ng mga pondong ito.

Gaano kalaki nga ba ang pondo para sa paniniktik na hinihingi ng Malacanang? Bumubuo ito sa mahigit kalahati (54%) ng kabuuang Php 8.2 bilyong badyet ng Office of the President sa 2020. Katumbas ito ng 9,000 low-cost housing unit o 2,250 silid-aralan. Mas malaki pa ang pondo para sa paniniktik na hinihingi ng Malacanang kung ikukumpara sa katumbas na pondo ng Armed Forces of the Philippines (Php 1.7 bilyon) o Philippine National Police (Php 806 milyon), mga ahensiyang may pangunahing mandato at kakayahan na magsagawa ng paniniktik.

Para saan ba ang confidential and intelligence funds? “Confidential funds” ang pondo para sa paniniktik ng mga piling ahensiyang sibilyan na may kinalaman sa pambansang seguridad o kapayapaan at kaayusan, habang “intelligence funds” ang katumbas na pondo ng mga ahensiyang unipormado (militar, pulis, atbp.). Maaaring gamitin ang mga pondong ito para sa mga piling gastusin, tulad ng pagbayad o pagbigay ng pabuya sa mga informer, kondukta ng mga operasyong paniniktik, pagbili ng gamit na may kinalaman sa paniniktik, atbp.

Ano’ng problema sa napakalaking confidential and intelligence funds? Sagot: kawalan ng transparency. Dahil nakalaan umano ang mga pondong ito para sa mga gawaing paniniktik, hindi maaaring malaman ng publiko kung paano ginastos ang bawat sentimo ng mga pondong ito na nanggaling sa buwis ng mamamayan. May espesyal na alituntunin ang Commission on Audit para sa mga pondong ito, ngunit nananatiling confidential ang mga ulat at hindi madaling makuha kahit ng Kongreso. Kapag hindi bukas sa publiko ang paggamit ng pondo ng mamamayan, nagkakaroon ng puwang para sa abuso at korapsyon.

Hamon sa COA at Kongreso ang pagbusisi sa confidential and intelligence funds ng Malacanang.