Back to List
Logo
kuwentas klaras
2019-10-02

Epidemya sa panahon ni Duterte

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Epidemya sa panahon ni Duterte

October 02, 2019

Kamakailan, kinailangang isugod sa ospital ang isang malapit sa aming pamilya. Inatake siya sa utak (sa Taglish, “na-stroke”), at unang dinala sa pinakamalapit na emergency room sa isang malaking pampublikong ospital sa Quezon City. Pagkatapos bigyan ng CT scan at iba pang mga test, sinabi ng doktor na kailangan siyang ma-admit para mabantayan – may peligro ng isa pang atake sa susunod na 24 oras. Dahil puno ang ospital (tunay nga; nag-uumapaw hanggang sa mga koridor ang may-sakit), pinayo niya na humanap kami ng ibang ospital na makatatanggap sa kanya.

Sumunod ang pag-iikot sa ilang mga ospital – sa isa pang pampubliko at tatlong pribado. Puno lahat. Bakit? Dahil sa epidemya ng dengue, tigdas, at iba pang sakit. Sa wakas, napa-admit ang aming pasyente sa isang mamahaling pribadong ospital na may naaangkop na pasilidad at bakanteng espasyo.

Ang ilang oras na pakikipagsapalaran namin para makatanggap ng kritikal na pagkalingang medikal ang aming kasamahan ay nagbigay sa akin ng pasilip kung paano ang takbo ng buhay sa kalagitnaan ng krisis sa pampublikong kalusugan. Kung sagad na sagad na ang sistemang pangkalusugan sa Metro Manila, paano pa kaya sa buong bansa?

Nakababahala ang deklarasyon kamakailan ng Department of Health na may polio outbreak sa bansa, matapos na madeklarang “polio-free” ang Pilipinas noong taong 2000. Sintoma ito ng kabiguan ng mga patakaran ng pribatisasyon, komersyalisasyon, at debolusyon ng serbisyong pangkalusugan na ipinatupad ng iba’t ibang administrasyon mula noong dekada 90.

Gayunman, hindi maitatanggi na may mabigat na pananagutan ang administrasyong Duterte sa kasalukuyang paglaganap ng mga epidemiya at paglala ng krisis sa kalusugan. Inutil ito sa pagpigil sa dengue at tigdas. Markado ang pagbulusok ng measles immunization coverage sa bansa, na nasa 88% ng mga bata noong 2013, ngunit bumagsak sa 70% nitong 2018. Samantala, nasa 66% na lamang ang mga batang nakatanggap ng bakuna sa polio, na napakalayo sa 95% na kinakailangan upang manatiling “polio-free” ang bansa. Tampok na salik sa pagbagsak ng bilang ng nagpapabakuna ang labis na pamumulitika ng mga alagad ni Duterte sa isyu ng Dengvaxia, na nagpalaganap sa publiko ng di-siyentipikong takot sa pagpapabakuna.

May krisis na nga sa kalusugan, nais pang kaltasan ng Malacanang ang badyet ng DOH sa 2020. Lalong pinalobo ni Pang. Duterte ang sarili niyang confidential and intelligence funds (pondo para sa tokhang at gera kontra sa mga aktibista at oposisyon), na nasa Php 4.5 bilyon, habang kakaltasan ng di bababa sa P10 bilyon ang para sa kalusugan.

Kailangang ilagay ang pondo ng bayan para sa kalusugan, hindi sa pagpaslang.