Back to List
Logo
kuwentas klaras
2019-10-02

“Inambush kita”

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

“Inambush kita”

October 02, 2019

(Tala: tinantyang petsa ng publikasyon batay sa Miyerkules; ang petsa sa orihinal na pinagmulan ay Setyembre 30, 2019 (Lunes).)

“General Loot, putang ina mo nanalo pa ng barangay – mayor. Inambush kita, animal ka, buhay pa rin.” Ito ang pahayag ni Pang. Duterte sa Malacanang noong nakaraang linggo sa isa na namang paligoy-ligoy na talumpati tungkol sa droga at korapsyon.

 

Tinutukoy niya ang retiradong heneral ng Philippine National Police na si Vicente Loot, na nahalal na alkalde ng Daanbantayan, Cebu noong 2016. Sa pag-upo ni Duterte bilang pangulo, pinangalanan niya si Loot bilang isa umano sa mga hereral ng PNP na protektor ng droga. Noong Mayo 2018, tinambangan si Loot, kasama ng kanyang pamilya, ng 5 armadong kalalakihan na lulan ng isang van. Nabuhay si Loot, habang nasaktan ang kanilang tsuper at kasambahay.

 

Agad na naglabas ng paglilinaw si Presidential Spokersperson Panelo: Bisaya ang inang wika ng Duterte, hindi Tagalog, kaya nagkamali siya sa paggamit ng mga salita. “Inambush ka na” ang ibig niyang sabihin, hindi “inambush kita.”  

 

Anuman ang palusot ni Panelo, simple ang mga salitang ginamit at klaro ang kahulugan ng pahayag ni Duterte. Inamin niya sa harap ng publiko, at bilang bahagi ng opisyal na rekord bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas,  na siya ang nag-utos ng pagtambang kay Loot. Sa madaling sabi, umamin siya bilang prinsipal o mastermind sa krimen ng frustrated murder ni Loot.

 

Ating himayin ang iba pang implikasyon ng pag-amin na ito. Direktang pagkumpirma ito na gumagamit si Duterte ng mga death squad para patayin ang mga ninonombrahan niyang target, tulad ng Davao Death Squad na kanyang binuo at pinakilos sa Davao City nang siya pa ang meyor. Mauugnay ito sa iba pang mga pahayag, tulad ng pagbanggit niya sa mga “anghel ng gubyerno” na nasa likod ng pagpaslang ng mga aktibista at mga taga-suporta umano ng New People’s Army sa Negros at iba pang bahagi ng bansa.

 

Bilang aminadong mastermind ng krimen, umamin din si Duterte sa paglabag sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang Pangulo: pangalagaan at ipagtatanggol ang Konstitusyon, ipatupad ang mga batas ng Republika, at maging makatarungan sa bawat tao. Kabaligtaran ang kanyang ginawa; nilabag ang Konstitusyon, laluna ang pinaka-unang karapatang ginagarantiyahan ng Katipunan ng Karapatan o Bill of Rights: “No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.”

 

Totoo nga bang protektor ng ilegal na droga si Loot? Pangunahin tungkulin ni Duterte ang pagtiyak na idaan ang akusado sa takdang proseso ng batas, hindi ang pagpakawala ng death squad.

“Inambush kita.” Patunay ni hindi siya karapat-dapat na manungkulan bilang Pangulo, mula mismo sa sarili niyang bibig.