Pambansang Badyet 2020
Pambansang Badyet 2020
October 02, 2019
(Tala: tinantyang petsa ng publikasyon batay sa Miyerkules; ang petsa sa orihinal na pinagmulan ay Setyembre 30, 2019 (Lunes).)
Tatapusin ng Kamara ngayong linggo ang deliberasyon sa panukalang pambansang badyet ng administrasyong Duterte para sa taong 2020. Umaabot sa Php 4.1 trilyon ang hinihingi ng Malacanang bilang gastusin ng gubyerno sa susunod na taon.
Mula nang maipasa ang batas TRAIN at iba pang mga reporma sa pagbubuwis ng administrasyong Duterte, papalaking bahagi ng pambansang badyet ang nanggagaling sa mga di-tuwirang buwis na pinapataw sa mga produkto at serbisyo (tulad ng VAT, excise tax sa produktong petrolyo, “sin tax” sa sigarilyo at inuming nakalalasing, atbp.) sa halip namga tuwirang buwis sa kita (income tax). Ibig sabihin, lumalaki ang porsyento ng badyet na pinapasan ng mga mahirap habang lumiliit ang sa mayaman. Samantala, ilang mga tampok na proyektong imprastruktura ng programang Build, Build, Build ng administrasyon ang nakaasa sa pautang ng Tsina na may napakataas na interes (tulad ng Mindanao Railway at Subic-Clark Railway).
Tulad din ng mga nakaraang administrasyon, tinatalikuran ng panukalang badyet ang pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo. Nakatuon sa mga pangangailangan ng mga dayuhang imbestor ang Php 1.123 trilyon ng programang Build, Build, Build, humihigop ng pondo para sa mga paaralan, ospital, pabahay, at iba pang serbisyong panlipunan na kailangang-kailangan ng mamamayan, habang lumilikha ng mga pagkakataon para sa pangungurakot at katiwalain. Sa simula nang deliberasyon ng Kongreso sa panukalang badyet, nasiwalat sa publiko ang muling bangayan ng mga kongresista sa hatian ng mga proyektong pork barrel – sanhi ng pagkaantala ng pagpasa sa pambansang badyet para sa kasalukuyang taon na nagbunsod ng markadong pagbagal sa paglago ng ekonomiya. Sabi nga ni Gary V., di na natuto.
Patuloy ang kakapusan ng pondo para edukasyon, kalusugan, at pabahay. Sa gitna ng pinakamalubhang epidemya ng dengue sa kasaysayan ng bansa, may panukalang Php 6 bilyon bawas sa pondo ng Department of Health. Sa kabila ng pagsasabatas ng libreng edukasyon sa kolehiyo, may panukalang bawas din sa pondo ng Commission on Higher Education at maraming mga State Universities and Colleges. Binawasan ang pondo ng Department of Educaiton para sa mga libro at kagamitan sa pagtuturo.
Habang ipinangako ni Pang. Duterte na magdudulot ng “kaunlaran” ang kanyang panukalang badyet, hindi nito matutugunan ang paglikha ng disenteng trabaho para sa halos 10 milyong Pilipinong walang trabaho, ni ang paghango sa kahirapan ng higit 23 milyon nating kababayan. Higit pa ngang lalala, dahil sa patuloy na suporta ng administrasyon sa bagong Rice Tariffication Law, na nagpahintulot ng daluyong ng imported na bigas at pumawi ng mahigit 1.3 milyong trabaho sa sektor ng agrikultura.
Sa halip ng kaunlaran, lalong palalakihin ng panukalang 2020 badyet ang agwat ng mayaman at mahirap sa ating lipunan.