Back to List
Logo
kuwentas klaras
2019-11-13

Are you ready for me?

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Are you ready for me?

November 13, 2019

“Are you ready for me?” Yan ang palabang hamon ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa pagtanggap niya ng puwesto bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Hamon kanino? Malinaw na nakapatungkol ito, una sa lahat, kay Pang. Duterte mismo at sa kanyang administrasyon, partikular ang mga opisyal at ahensyang responsable sa “gera kontra droga,” ang numero unong plataporma ng kanyang pagkapangulo.

Nagsimula ang kasalukuyang pihit sa sitwasyon nang ideklara ni Robredo sa isang panayam sa Reuters na dapat nang ihinto ang madugo ngunit bigong gera kontra droga. Tumugon si Duterte - na laging sensitibo sa kritisimo sa kanyang madugong gera, laluna kapag mula sa kanyang bise,, at sa harap ng pandaigdigang madla, at sa gitna ng pagkakasangkot ng kanyang dating hepe ng PNP na si Albayalde sa isyu ng “ninja cops” - sa pamamagitan ng pag-alok na pamunuan mismo ni Robredo ang naturang gera. Bilang patunay na hindi siya nagpapatawa, sinundan ito ng papeles na nagtalaga kay Robredo bilang co-chair ng ICAD na may bisa hanggang 2022.

Tama ang basa ng marami na isa itong patibong. Layunin na ilagay si Robredo sa alanganin. Kung hindi niya tanggapin, patunay na inutil siya sa problema ng ilegal na droga at dapat manahimik na lang. Kung tanggapin niya, hawak ng Malacanang ang baraha na magtatakda kung magtatagumpay siya o hindi.

Ngayong tinanggap ni Robredo ang puwesto, may ilang linya ng atake na maaaring pagpilian ang Malacanang. Isa ang pagkontra at paghadlang sa kanyang mga inisyatiba upang wasakin siya sa pulitika

  • papel na kasalukuyang ginagampanan ng mga susing tauhan ni Duterte, tulad nina Sen. Bong Go, Bato de la Rosa, Speaker Cayetano, at PDEA Director Aaron Aquino na co-chair ni Robredo sa ICAD, sa pamamagitan ng kanilang pangungutya. Sa kabilang banda, maaari ring palabasin na kasapakat si Robredo, gamitin ang kanyang kredibilidad bilang pampabango sa umaalingasaw na gera ni Duterte at pantabing sa lantad na rekord nito ng pagpaslang at katiwalian.

Sa bahagi ni Robredo, mulat na pinili niyang uminom mula sa nilasong kalis na inalok ni Duterte. Dapat siyang suportahan ng lahat ng nagpapahalaga sa karapatang pantao at takdang proseso ng batas sa kanyang pagpupunyaging wakasan ang Oplan Tokhang, panagutin ang mga opisyal na nag-abuso at korap, at pagtuonan ang mga malaking isda na nagsusuplay ng droga. “Supply constriction,” ayon kay Sen. Ping Lacson, na nilapitan ni Robredo para humingi ng payo. (Tiyak na hindi natutuwa ang kampo ni Duterte sa tulungan, pansmantala man, ng dalawang “presidentiable” sa 2022.)

Mula sa laylayan, nakapuwesto ngayon si Robredo sa pinakasentro ng unos.