Araw ng mga Sikmura
Araw ng mga Sikmura
February 26, 2020
Kung ipinagdiwang ang nakaraang Pebrero 14 bilang Araw ng mga Puso, dapat ding gunitain ito bilang unang anibersaryo ng batas na tumudla sa sikmura ng bawat Pilipino: ang RA 11203 o Rice Liberalization Law. Ito ang batas na nagtanggal sa anumang ligal na limitasyon sa dami ng bigas na maaaring angkatin mula sa ibang bansa. Sa halip ng mga quota sa imported na bigas, papatawan na lang ito ng taripa: 35% kung mula sa mga bansa ng ASEAN, at 40% o higit pa kung labas sa ASEAN. Tinakdang prayoridad ng administrasyong Duterte ang pagsasabatas nito, at pangunahing tinulak sa Senado ni Sen. Cynthia Villar, ang bilyonaryo sa real estate na kumikita sa pagpalit-gamit ng lupa para maging subdivision o mall ang dating sakahan.
Katulad ng inaasahan, binaha ng daluyong ng imported na bigas ang merkado. Noong 2019, nakamit ng Pilipinas ang kaduda-dudang pagkatangi bilang numero unang importer ng bigas sa buong daigdig. Tinalo pa ng Pilipinas, na may populasyong 110 milyon, ang numero dos na Tsina, na may populasyong 1.4 bilyon. Dahil sa Rice Liberalization Law, mas malaki nang halos 60% ang inimport sa Pilipinas na 3.2 milyong metrikong tonelada noong 2019 kumpara sa nakaraang taon. Kung nagmura man ng mahigit-kumulang sa apat na piso ang presyo ng bigas sa palengke, sinalanta ng imported na bigas ang kabuhayan ng 2.4 milyong magsasaka. Bumagsak ang presyo ng palay nang mas mababa sa Php 15/kilo sa panahon ng anihan. Nagdulot ito ng kahirapan, pagkabaon ng utang, at kawalan ng trabaho. Kailangang manatili sa Php 20/kilo o higit pa ang presyo ng palay upang kumita nang sapat ang mga magsasaka. Ang pagwasak sa pagsasaka ng palay ang isa sa mga pangmatagalang pamana ni iiwan ni Pang. Duterte.
Sadyang bahagi ng disenyo ng mga nagtulak ng Rice Liberalization Law ang paggamit sa mababang presyo ng imported na bigas upang wasakin at walisin ang mga “marginal producer,” mga magsasakang atrasado ang pamamaraan at hindi kayang makipagsabayan sa hi-tech na agrikultura ng Thailand, Vietnam, at China. Matira raw ang matibay. Kung di kaya, gamitin na lang ang lupa sa mas mapagkikitaang negosyo
- tulad ng real estate.
Kabaligtaran ito ng hangarin ng mga tutol at nananawagan sa pagbasura ng RA 11203: proteksyon sa mga magsasakang Pilipino at pagpapaunlad sa pagsasaka ng palay upang magarantiya ang kasiguruhan at soberanya ng bansa sa pagkain. Hindi dapat iasa sa ibang bansa ang pagmumulan ng kakainin sa araw-araw ng bawat Pilipino.
Natatandaan ko pa noong mga dekada 70-80. Itinuturing na tanda ng pagka-atrasado ng ating ekonomiya ang pagpapahalaga sa mga produktong imported, laluna sa mga gamit na pangluho na hindi kayang imanupaktura sa Pilipinas, tulad ng mga TV at stereo, magarang rubber shoes, at masarap na tsokolate. Agrikultural daw kasi ang Pilipinas. Ngayong 2020, pati mga pananim, imported na rin: bawang, sibuyas, bigas. Sa halip ng pagsulong, pag-urong.