Hawak sa leeg
Hawak sa leeg
March 04, 2020
Nagmula ang kasalukuyang kagipitan ng ABS-CBN sa tahasang paghadlang ni Pang. Duterte mismo sa pagbigay sa kanila ng bagong prangkisa. Dahil dito, inupuaan ng kanyang mga alagad sa Kamara ang aplikasyon ng network. Kung walang bagong prangkisa, maaaring ipasara ang ABS-CBN paglipas ng Mayo 4, 2020.
Nakatikim ng pagtutol at paglaban ang Malakanyang mula sa iba’t ibang panig. Umalma ang ilang mga kongresista na hindi pinalalarga ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagdinig sa prangkisa. Wastong binatikos ng mga mulat na mamamahayag at aktibista ang garapalang paglabag ni Duterte sa kalayaan sa pamamahayag, sa kagustuhan niyang ipasara ang ABS-CBN. Umani ng simpatiya ang mahigit 11,000 empeyado na mawawalan ng trabaho kung sakaling magsara ang network. Nagparamdam ang malawak na hanay ng publiko na sumusuporta sa pag-renew ng kanilang prangkisa.
Mistulang nagkaroon ng pagpihit sa sitwasyon matapos magdaos ang Senado, sa pangunguna ni Sen. Grace Poe, ng pagdinig sa usapin ng prankisa. Nilinaw ng network na walang batayan ang mga idinaraing ni Duterte laban sa kanila. Naayon sa batas ang pag-ere nila ng patalastas na kontra-Duterte na binayaran ng kanyang karibal, at tinangka nilang ibalik ang pera ni Duterte para sa mga patalastas na hindi naipalabas, ngunit hindi ito tinanggap ng kanyang kampo. Ginamit ni ABS-CBN CEO Carlo Katigbak ang pagkakataon upang humingi ng pahumanhin kay Pang. Duterte.
Mabilis na binigay ni Duterte ang kanyang paumanhin. “I accept the apology,” aniya, at behalf na raw ang Kongreso sa kanilang prangkisa. Ikinatuwa ito ng ABS-CBN. Nagdaos ng misa ng pasasalamat ang mga “Kapamilya.”
Samantala, patuloy na iginigiit ni Speaker Cayetano na hindi mahaharap ng Kamara ang prangkisa ng ABS-CBN bago matapos ang Mayo 4. Sumulat sina Cayetano at Rep. Franz Alvarez, chair ng Legislative Franchises Committee, upang hilingin sa National Telecommunications Commission na bigyan ang ABS-CBN ng provisional authority to operate habang nakasalang pa sa Kongreso ang kanilang aplikasyon para sa prangkisa.
Kung gayon, hindi magsasara ang ABS-CBN kalit mapaso na ang prankgisa nito sa Mayo 4. Tuloy ang kanyang ooperasyon sa bisa ng pansamantalang awtoridad mula sa NTC. Hindi mawawalan ng trabaho ang 11,000 empleyado nito, at tuloy pa rin ang pagpapalabas ng Ang Probinsyano.
Gayunman, batid ng mga may-ari ng ABS-CBN na hindi katumbas ng prangkisa ang “pansamantalang awtoridad.” Walang katiyakan ang kanilang negosyo hanggang hindi ito naisasabatas ng Kongreso ang kanilang prangkisa. Ipinahiwatig ni Cayetano na maaring tumagal ang proseso hanggang 2022, kung kinakailangan.
Malinaw na ang pakay ni Duterte. Susi sa pagpapanatili sa poder ng kanyang pangkatin ang maipanalo ang kanilang pambato bilang pangulo sa 2022. (Ngayon pa lamang, inililutang na ang pangalan nina Sara Duterte at Bong Go). Yamang mapagpasya sa anumang pambansang halalan ang mga patalastas sa telebisyon, walang higit pang makapaniniyak sa tagumpay ng mga pambato ni Duterte kundi ang mahawakan sa leeg ang pinakapopular at pinakamakapangyarihang broadcast network sa bansa hanggang sa darating na halalan.