Back to List
Logo
kuwentas klaras
2020-03-18

Ano'ng kasunod ng kuwarentina?

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Ano’ng kasunod ng kuwarentina?

March 18, 2020

Nagdeklara si Pang. Duterte ng “enhanced community quarantine” sa buong Luzon, epektibo mula Marso 17 hanggang Abril 12, bilang tugon sa lalong paglaganap ng bagong coronavirus na nagdudulot ng sakit na COVID-19. Tinakda ang pagpapanatili sa bahay ng lahat, maliban sa pagbili ng pagkain o kung may medical emergency; limitado ang maaaring magtrabaho; suspendido ang klase sa mga paaralan; pinatigil ang transportasyong publiko; at pinagbawal ang malakihang pagtitipon.

Hindi na natin pagdiriinan, sa pagkakataong ito, ang kalituhan at pangambang dulot ng paligoy-ligoy na mga pahayag ni Pang. Duterte mismo; magkasalungat na mga “paglilinaw” umano ng mga opisyal ng Gabinete; at bara-barang implementasyon ng kwarantina na nagdagdag pa ng peligro ng lalong pagkalat ng virus (halimbawa, ang pag-ipon ng maraming tao sa mga checkpoint).

Kapansin-pansin ang kakapusan ng paliwanag, maging ni Duterte o kanyang mga tagapagsalita, sa pangunahing pangamba ng maraming Pilipino na haharap sa isang buwang kuwarentina, laluna sa hanay ng mahirap na nabubuhay nang “isang kahig, isang tuka:” saan manggagaling ang kanilang kakainin sa araw-araw kung hindi na sila pinahihintulutang makapaghanap-buhay?

Batay sa pahayag ng Inter-Agency Task Force, ituturing na kalamidad ang krisis ng COVID-19, at kikilos ang gubyerno nang tulad ng pagtugon nito sa mga nasalanta ng bagyo o bulkan. Pangungunahan ng mga pamahalaang lokal ang pamamahagi ng food packs o relief goods sa mga nangangailangan, at susuporta ang DSWD kung kinakailangan. Ang talong: kaya bang pakainin ng gubyerno, lokal at pambansa, ang lahat ng pamilyang mawawalan ng araw-araw na kita sa loob ng isang buwan?

Malaki ang magiging pinsala ng kuwarentina sa buong Luzon sa pangkalahatang ekonomiya ng bansa at sa kabuhayan ng milyun-milyong mamamayan. Sa kabila nito, pinili ng administrasyong Duterte na ipatupad ito sa layuning pabagalin ang paglaganap ng COVID-19 virus. Iniiwasan ang di-kontroladong paglaganap sa populasyon na magdudulot ng pagdaluyong ng mga pasyenteng may malalang sintoma na babaha sa mga ospital, hindi mabibigyan ng karampatang lunas, at magreresulta sa mas malaking bilang ng mamamatay.

Gayunman, iba ang pandemikong COVID-19 sa mga kalamidad na tulad ng bagyo, lindol, o pagputok ng bulkan. Kung may tiyak na katapusan ang mga huli, hindi ganoon ang coronavirus. Mapababagal lamang ang paglaganap nito, hindi tuluyang mapipigilan. Hindi kusang maglalaho ang virus. Kung wala nang lockdown, muling bibilis ang pagkalat nito. Hindi posibleng manatiling nakakuwarentina ang kalakhan ng populasyon sa habang panahon.

Kung may kaluwagan mang malilikha ang kasalukuyang lockdown, kailangang gamitin ito ng gubyerno upang palakasin ang kakayahan nito sa maramihang testing at surveillance (pagtukoy at pagbantay) sa mga madadapuan ng COVID-19 virus, at sa pagbuhos ng karagdagan tauhan at rekurso sa mga clinic at ospital. Ito ang pangunahing pamamaraan na ginagamit ng South Korea, Singapore, at Taiwan para matagumpay na kontrolin ang COVID-19, sa halip ng malawakang kuwarentina. Kung hindi, maaaring magpatuloy ang palalang krisis sa pampublikong kalusugan at kabuhayan, at higit na pagdurusa, laluna sa hanay ng maralita, sa mga darating na buwan.