Mas masahol sa Martial Law
Mas masahol sa Martial Law
June 03, 2020
Malaon nang ambisyon ni Pang. Duterte ang paghahari bilang diktador katulad ng idolo niyang si Ferdinand Marcos. Ngunit maaari kayang manumbalik ang Pilipinas sa one-man rule a la Marcos? Ang konsentrasyon ng kapangyarihan ng ehekutibo at lehislatura sa isang tao? Ang pananatili sa poder nang walang taning?
Hindi maikakaila na may paksyon ng mga tagasuporta ni Duterte sa loob at labas ng gubyerno na nagtutulak ng ganitong senaryo. Bitbit nila ang panawagang “Rev Gov” at nais nilang iluklok si Duterte bilang pinuno ng rebolusyonaryong gubyerno. Pana-panahon, nagbibitiw si Duterte mismo ng pahayag na pumapabor sa panawagang ito.
Isa pang ruta tungo sa diktadurya na binubuhusan ng higit na panahon at rekurso ng administrasyon ang charter change o pagbabago o pag-amyenda sa Konstitusyon. Sa talukbong man ng pederalismo o pagtanggal sa mga patriyotikong probisyon, palaging kasama sa pakete ang term extension ng mga nakaupo sa puwesto at konsantrasyon ng poder kay Duterte sa transition period. Kamakailan, umani ng batikos ang Department of the Interior and Local Governments dahil sa pagpapatuloy nito ng kampanya para amyendahan ang Konstitusyon sa kalagitnaan ng pandemya.
Ang pagtutol at paglaban ng mamamayan ang pangunahing hadlang at sagabal sa pagsulong ng mga nabanggit na inisyatiba ng naghaharing koalisyon ni Duterte. Batid niya ito, at pinakitang hindi siya nangingiming gawing kasangkapan ang batas at mga alagad ng batas upang patahimikin ang kanyang mga kritiko. Nariyan ang halimbawa ni Sen. Leila de Lima na pinakulong batay sa gawa-gawang kaso sa droga, nina Bise-Presidente Robredo, Trillanes, at iba pa na kinasuhan ng inciting to sedition, at ang maraming mga aktibista sa hanay ng maralita na kinulong batay sa tanim na ebidensya o naging biktima ng extra-judicial killings.
Ngayong linggo ang pagpasa ng Kongreso sa bagong Anti-Terrorism Act. Sa ngalan ng paglaban sa terorismo, mapapasakamay ni Duterte ang isang bagong sandata laban sa kanyang mga kritiko, isang batas na mas masahol pa sa Martial Law ni Marcos. Sa pamamgitan dito, sisikapin niyang hawanin ang landas tungo sa mala-diktador na paghahari.
Labis na masaklaw ang depinisyon ng terorismo at mga krimen kaugnay nito. Binibigyan ng batas ang Anti-Terrorism Council, na binubuo ng mga retiradong heneral na iniluklok sa puwesto ni Duterte sa kanyang Gabinete, ng mga kapangyarihang nakareserba dapat sa mga korte: ang pagtakda sa sinumang indibidwal o grupo bilang terorista, pag-aresto sa kanila nang walang warrant, pagkulong ng 24 araw bago sampahan ng kaso, pagsamsam sa kanilang ari-arian, at paniniktik sa kanilang pribadong komunikasyon. Tahasang labag ito sa Bill of Rights ng Konstitusyon.
Hindi maaaring magkasya sa mga pangako ng Malacanang na wala raw dapat ikatakot kung hindi ka terorista. Gagamitin ito upang supilin ang lahat ng anyo ng pagpapahayag ng makatwirang kahilingan, hinaing, at pagtutol ng mamamayan sa gitna ng krisis ng lipunan na lalong pinalala ng pandemya. Kailangang tutulan at labanan ang inaasahang pag-aresto at pagkulong ng mga kritiko ng administrasyon sa mga darating na araw.