Back to List
Logo
kuwentas klaras
2020-06-10

Hamon kay Duterte

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Hamon kay Duterte

June 10, 2020

Pambihira ang bilis ng paglawak ng pagtutol ng mamamayan sa bagong Terror Bill ni Duterte, mula ng dagliang aprubahan ito sa antas komite ng Kamara noong Mayo 29, ipasa nang walang amyenda noong Hunyo 3, at lagdaan nina Senate President Tito Sotto at House Speaker Alan Peter Cayetano at ipadala sa Malacanang ngayong Hunyo 9.

Sa loob ng 11 araw, lumaganap sa hanay ng mamamayan ang wastong pag-unawa sa bagong Anti-Terrorism Act bilang mapanganip na batas na maaaring gamitin ng administrasyong Duterte upang patahimikin ang mga kritiko nito at supilin ang karapatan ng lahat. Naging popular ang panawagang ibasura ang bagong batas. Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling trending sa social media ang hashtag na #JunkTerrorBillNow.

Maraming mga indibidwal at organizasyon mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang naglabas ng kanilang pahayag laban sa batas. Bukod sa mga progresibong grupo, tulad ng Bayan at Makabayan, naghayag ng kanilang paninindigan laban ang ilang lider ng mga simbahang Katoliko at Protestante; mga organizasyon ng malaking negosyo, tulad ng Makati Business Club, Management Association of the Philippines, at Cebu Business Club; sektor ng edukasyon at akademya, kabilang ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), Ateneo, UP, DLSU, at UST; at ang Integrated Bar of the Philippines. Nanindigan din ang maraming mga personalidad mula sa show business at entertainment, katulad nina Kathryn Bernardo, Liza Soberano, Nadine Lustre, at ang dalawang Miss Universe na sina Catriona Gray at Pia Wurtzbach. Sa unang pagkakataon sa panahon ng pandemya, nakapaglunsad ang mga tumututol ng malaking kilos-protesta, habang sumusunod sa mga alituntunin ng social distancing.

Dahil sa lakas ng pagkalampag ng mamamayan, napilitang magpahayag o maglinaw ang mahigit kumulang sa 20 mambabatas na hindi “yes” kundi “abstain” ang kanilang boto. Napilitan namang dumepensa sina Sotto at ang principal author ng batas na si Sen. Ping Lacson.

Ngayong napadala na ang Terror Bill sa Malacanang, nasa kamay na ni Pang. Duterte ang bola. Maaari siyang magtengang-kawali sa hinaing ng publiko at agad na lagdaan ito. Maaari din namang i-dribol muna niya ang bola, gamiting dahilan na pinapasadahan pa ng Department of Justice ang batas, at palipasin muna ang kulo ng mamamayan bago ito lagdaan. Puwede rin siyang umiwas-pusoy, hindi pumirma, at hayaan na awtomatikong maging batas ito paglipas ng 30 araw.

Ngunit nariyan din ang isa pang opsyon: ang paggamit ni Pang. Duterte ng kanyang kapangyarihang veto. Maaari niyang tanggihan ang batas at ibalik ito sa Kongreso. Dapat itutok ng lahat ng tutol sa Terror Bill ang kanilang pagpupunyagi sa hamon kay Duterte: Veto the Terror Bill now!

Ano ang posibilidad na ibabasura ni Duterte ang Terror Bill, gayong siya mismo ang pangunahing promotor at tagatulak nito? Suntok sa buwan? Marahil. Ngunit bago niya ilapat ang dulo ng kanyang panulat sa papel para lumagda, nawa’y pagmuni-munihan niya ang mga kaganapan ng nakaraang 11 araw. Sa kabila ng pananakot at panunupil, pinatunayan ng mga Pilipino na handa silang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.