Bakuna at Kasarinlan
Bakuna at Kasarinlan
June 17, 2020
Sa mga lingguhang talumpati ni Pang. Duterte, hindi siya nagsasawa sa pagbibida na malapit nang makatuklas ng bakuna sa bagong coronavirus ang China. Kumbinsido siya na sa hanay ng mga bansang nagbubuhos ng siyentipikong kakayahan at rekurso, kabilang ang US, UK, at mga bansa ng European Union, makakaungos ang China. “I’m very sure that they will be the first one.”
Sa kanyang talumpati noong Mayo 28, ipinalaganap din niya ang balita na maipamamahagi ng China ang bakuna pagdating ng Setyembre. (“September, I think China will be able to distribute, if I’m not mistaken.”) Pagkatapos ng isang 38 minutong pakikipag-usap sa telepono kay Xi Jinping, ang presidente ng China, noong Hunyo 11 - bisperas ng Araw ng Kasarinlan - pinagmalaki ni Duterte na kasama raw ang Pilipinas sa “prayoridad” ng China sa pamamahagian sakaling makatuklas ito ng bakuna laban sa COVID-19.
Kung si Duterte ang numero unong endorser at promotor ng China bilang tagapagligtas ng bayang Pilipinas mula sa mga kuko ng pandemya sa pamamagitan ng mahiwagang bakuna, hindi magpapadaig ang militar. Pagkatapos ng sarili niyang pakikipag-usap sa telepono kay US Secretary of Defense Mark Esper noong June 12 - sa mismong Araw ng Kasarinlan, inihayag ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na handa ang US na ibahagi sa kanilang mga kaalyado, tulad ng Pilipinas, ang anumang bakuna na kanilang matutuklasan.
Sa kasamaang palad, pinili ng daalwang ito na patampukin, sa araw pa mismo ng pagdiriwang ng ika-122 taon ng umano’y kalayaan ng bansang Pilipinas, ang kanilang mga pagkiling na nagpapahamak sa tunay na kasarinlan.
Pinakikita ng magkasunod na pahayag na ito ang dalawang magkatunggaling paksyon sa loob ng naghaharing pangkatin ni Pang. Duterte. Sa isang panig, ang kampong maka-China, sa pangunguna ni Duterte mismo. Sila ang pangunahing responsable sa pagsuko sa China ng ating soberanong karapatan sa West Philippine Sea, pagtulak ng mga pautang at pamumuhunang Tsino sa mga estratehikong sektor ng ekonomiya, at kabuuang pagsisikap na mapailalim ang Pilipinas sa imperyal na talukbong ng China. Kinakatawan ni Duterte ang seksyon ng mga malaking negosyante, panginoong maylupa, propesyonal, at iba pa sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya (pagmimina, agrikultura, manupaktura, turismo, real estate, atbp.) na nakasalay sa China bilang pinagmumulan ng puhunan o merkado para sa kanilang mga produkto at serbisyo.
Samantala, sa kabilang panig, nariyan ang kampong maka-US, na pinangungunahan ni Sec. Lorenzana. Kung matatandaan, minsang pabirong tinawag siyang “CIA agent” ni Duterte. Kinakatawan ni Lorenzana ang seksyon ng naghaharing uri na tradisyunal na nakahanay sa US: ang mga negosyanteng mahigpit na nakaugnay sa puhunan at merkado ng US at ang mga institusyong nagpapanatili ng impluwensya ng US sa loob ng bansa, sa pangunguna ng militar.
Ang magkabanggang interes ng dalawang kampo ang nasa likod ng “pamamangka sa dalawang ilog” ng patakarang panlabas ng administrasyong Duterte. Bilang kinatawan at pinuno ng buong naghaharing uri sa Pilipinas, kailangang balansehin ni Pang. Duterte ang magkabanggang interes ng dalawang kampo, kung nais niyang manatiling ligtas sa kanyang puwesto.
Mananatiling panaginip ang ganap na kasarinlan habang nasa poder ang mga ganitong tipo ng lider.