Balik-pasada
Balik-pasada
June 24, 2020
“Mahirap kayo? Putang ina, magtiis kayo sa hirap at gutom, wala akong pakialam.” Binitiwan ni Pang. Duterte ang mga salitang ito na nakapatungkol sa mga jeepney drayber na lumahok sa dalawang-araw na transport strike noong Oktubre 2017 unang iprotesta ang planong phase-out ng mga jeepney na ipinatutupad ng kanyang administrasyon.
Noong panahong iyon, nagbanta siya na ipagbabawal na ang mga tradisyunal na jeepney na mahigit 15 taon nang pumapasada pagsapit ng Enero 1, 2018. Kailangang palitan ng mga jeepney operator ang kanilang mga sasakyan ng bagong modelo ng jeepney (na mini-bus, sa katunayan) na may makinang mas environment-friendly umano, air-conditioned, may may electronic na sistema ng pagkolekta ng bayad, may GPS, wi-fi, at iba pang makabagong katangian. Nagkakahalaga ng Php 1.4 hanggang 1.6 milyon ang bawat yunit.
Tinutulan ng PISTON at iba pang organisasyon sa sektor ng transportasyon ang phase-out bilang banta sa kabuhayan ng libo-libong mga drayber at maliit na operator. Para sa kanila, labis na pabigat ang mataas na presyo ng mga bagong e-jeepney na itinatakda ng gubyerno.
Lumipas ang 2018 nang hindi ipinatupad ang banta ni Duterte na ipagbabawal ang pagpasada ng mga lumang jeepney. Itinulak ang deadline sa kasalukuyang taon. Kamakailan, pinaalala ng Department of Transportation na itutuloy nila ang phase-out.
Malinaw na sasamantalahin ng administrasyong Duterte ang kasulukuyang krisis na dala ng pandemiya ng COVID-19 upang maisagawa ito. Kabilang sa mga mayor na sangkap ng lockdown ang pagsuspinde sa lahat ng anyo ng transportasyong publiko. Sa kasalukuyang panahon ng pagluluwag sa kuwarentina upang muling buhayin ang ekonomiya, pinahintulutan ang pagbalik sa operasyon ng ilang moda ng pampublikong transportasyon na maaari umanong magpatupad ng social distancing at iba pang hakbang pangkalusugan. Kabilang rito ang MRT/ LRT, bus, traysikel, at e-jeepney. Nasa bandang dulo ng listahan ng mga moda ng transportasyon na pahihintulutang pumasada ang tradisyunal na jeepney.
Dahil dito, matindi ang pahirap na dinaranas ng mga jeepney driver dulot hindi lamang ng COVID-19 kundi dahil sa naturang patakaran ng gubyerno. Sa Metro Manila pa lamang, nasa 75,000 drayber ang nawalan ng kabuhayan. Marami ang napipilitang manglimos upang may mapagkunan ng ipakakain sa kanilang mga pamilya. Nagtitiis sila sa hirap at gutom, alinsunod sa ibinulalas na kagustuhan ni Pang. Duterte.
Dapat suportahan ang panawagan ng mga jeepney drayber. Kailangan nila ng kagyat na ayuda mula sa gubyerno. Higit pa rito, kailangan ng publiko - laluna ang mayorya ng mamamayang hindi nagmamay-ari ng koste o motorsiklo, o walang kakayahang magbisikleta - na pahintulutan silang bumalik sa pagpasada.