Back to List
Logo
kuwentas klaras
2020-07-22

Pagbuwag sa Oligarkiya?

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Pagbuwag sa Oligarkiya?

July 22, 2020

Hindi napigilan ni Pang. Duterte ang kanyang sarili na ipagmalaki ang matagumpay na pagpapasara niya sa ABS-CBN, ang pinakamalaking brodkaster ng telebisyon at radyo sa bansa na pag-aari ng pamilyang Lopez.

Aniya sa isang talumpati sa harap ng mga tropa sa Jolo: “’Yun namang ABS-CBN binaboy ako. Pero sinabi ko kapag ako nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko.”

Tahasang inihambing ni Duterte ang kanyang sarili kay Marcos. Kung matatandaan, isa sa mga dahilang ginamit ni Marcos para ipangatwiran ang kanyang deklarasyon ng martial law, pagtatag ng “Bagong Lipunan,” at paghari nang mahigit dalawang dekada bilang diktador ang pagtunggali sa mga oligarko na nagpapahirap sa nakararaming Pilipino. Sa utak ni Duterte, dinaig pa niya si Marcos dahil hindi niya kinailangan ang martial law upang “buwagin: umano ang oligarkiya. “Without declaring martial law, sinira ko yung mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit sa tao at hindi nagbabayad. They take advantage, sa kanila political power.”

Walang pinag-iba si Duterte kay Marcos at maging sa lahat ng mga naging Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Nagsisilbi ang sinumang maluklok sa Malacanang bilang pangunahing tagapagsulong at tagapagtanggol ng kabuuang kapakanan at interes ng mga pinakamalaking kapitalista at panginoong maylupa (“oligarkiya”). Kasabay nito, ginagamit din ng Presidente ang kanyang kapangyarihan upang mabiyayahan ang mga oligarkong pinakamalapit sa kanya.

Dapat magpakahusay ang mga Pilipino sa pagkatas sa mga wastong aral mula sa ating kasaysayan. Kapag may politikong mahilig magwasiwas ng katagang “oligarkiya” (“paghahari ng iilan”), katulad ni Marcos o Duterte, layunin nilang magbalatkayo bilang tagapangtanggol ng interes ng “masa” o ng nakararami habang isinusulong ang interes ng kanilang mga sarili at ng mga malaking negosyante na kanilang pinaglilingkuran. Kung kakampi, maaaring magawaran ng administrasyon ng dambuhalang kontrata o konsesyon, halimbawa para sa pagtayo at pagpapatakbo ng airport, expressway, o ikatlong telco. Kung kaaway, maaaring ikapanganib ng kanilang negosyo. Sa kaso ng ABS-CBN, ipinamalas ni Duterte na wala siyang pangingiming gamitin nang lantaran ang buong kapangyarihan ng Pangulo upang ipasara ang negosyo ng isang oligarkong hindi niya kakampi.

Kung pinuntirya man ni Duterte ang mga Lopez, patuloy na namamayagpag at yumayabong ang mga oligarkong tulad nina Razon, Ramon Ang, Sy, Tan, Ayala, Pangilinan, Villar, at Gokongwei (na ilan lamang sa pinakamalaki). Sa ilalim ni Duterte, pambihira ang naging paglago ng imperyo sa negosyo ng bagong oligarko na si Dennis Uy, ang pinakamalaking tagapondo ng kanyang kampanya.

Pawang kabalbalan ang pagmamayabang ni Duterte na “binuwag” o “sinira” niya ang oligarkiya sa bansa.