Mga Lumang Tugtugin
Mga Lumang Tugtugin
July 29, 2020
Hindi aakalain ng sinumang nakinig sa kabuuan ng ika-5 State of the Nation Address ni Pang. Duterte na nasa kalagitnaan ang buong daigdig ng makasaysayang pandemya na nagdudulot ng walang kapares na krisis pangkalusugan at pangkabuhayan. Dahil sa COVID-19, lalong lumala ang matagal nang krisis sa buong lipunan. Umabot sa 7.3 milyon ang walang trabaho noong Abril (na may naitalang 17.3 % unemployment rate). Mahigit sa kalahati (52.66%) ng mga maliit na negosyo (Micro, Small, and Medium Enterprises) ang kinailangang magsara noong panahon ng total lockdown. Tinatayang aabot sa 700,000 ang OFW sa Middle East na mawawalan ng trabaho ngayong 2020; 117,000 ang humuhiling ng tulong sa gubyerno para makabalik sa Pilipinas. Umabot sa 5.2 milyon ang bilang ng mga pamilyang nagugutom. Nasa mahigit 82,000 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, isa sa pinakamataas sa Southeast Asia.
Gayumpaman, hindi narinig kay Duterte ang paglahad sa komprehensibong programa para ganap na gapiin ang coronavirus at tugunan ang malaganap na kawalan ng kabuhayan para sa mayorya ng mga Pilipino. Walang pagbanggit sa mass testing, epektibong contact tracing, at quarantine. Hindi maidadahilan ni Duterte na imposibleng gapiin ang pandemya ng COVID dahil mahirap na bansa ang Pilipinas. Pinatunayan ng mga bansang tulad ng Vietnam at Thailand na pwedeng manaig sa virus kung may mahusay na pamamalakad ng gubyerno.
Sa halip, binalikan ni Duterte ang mga lumang tugtugin ng kanyang pagkapangulo. Maaaring bumenta ang mga ito noon, ngunit lalong masakit sa tenga ngayon at walang kabuluhan sa harap ng mga suliranin ng kasalukuyan.
Prayoridad daw ni Duterte ang pagbalik sa death penalty para sa mga krimen kaugnay sa droga. Ano ang saysay nito sa gitna ng pandemya? Hindi maitago ng mga piniling opisyal at mambabatas na kaharap niya sa Batasan ang kanilang matabang na pagtanggap dito. Kinailangan pang utusan sila ni Duterte na pumalakpak.
Isa pang gasgas na tema na inulit ni Duterte sa SONA ang mga kasinungalingang inuulit-ulit niya sa publiko upang pagtakpan ang duwag at taksil na pagsuko niya sa China ng ating soberanong karapatan sa West Philippine Sea. Unang kasinungalingan: “They are in possession of the property.” Ang totoo: hindi hawak o kontrolado ng China ang karagatan ng South China Sea. Maliban sa Pilipinas, maraming mga bansa ang magiit na nagtatanggol ng kanilang sinasaklaw na bahagi ng naturang karagatan, kabilang ang Vietnam, Taiwan, Malaysia, at Indonesia. Pangalawang kasinungalingan: mauuwi sa gera ang anumang paggiit natin ng ating karapatan sa West Philippine Sea. Ang totoo: pinatunayan ang kabalbalan nito kamakailan ng Indonesia, na gumamit ng kanilang navy at air force para itaboy ang isang malaking grupo ng mga barkong pangisda ng China na nanghimasok sa kanilang karagatan.
Nagsimula at nagtapos si Duterte sa pagbira sa mga “oligarko.” Ating himayin ang kanyang patuloy na pagbira sa mga Lopez (at pagdawit kay Sen. Drilon), at ang bagong banta niya sa Smart and Globe sa susunod na linggo.