Kahibangan
Kahibangan
August 05, 2020
Noong Hulyo 31, inanunsiyo ni Pang. Duterte, alinsunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), na mananatili sa higit na pinaluwag na General Community Quarantine ang Metro Manila at maraming bahagi ng bansa hanggang Agosto 15. Kabilang sa pagluwag ang pagpapahintulot sa muling pagbubukas ng mga non-essential services, tulad ng mga gym, spa, computer shop, at drive-in cinema. Sa kabila ito ng tuloy na paglobo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, na umabot sa halos 90,000 noong panahong iyon.
Kinabukasan, nagdaos ng press conference ang malawak na hanay ng mga asosasyong medikal, sa pangunguna ng Philippine College of Physicians. Nanawagan sila kay Pang. Duterte at sa IATF na, sa halip ng pagluluwag, ibalik sa Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila. Malubha na ang sitwasyon sa mga opsital, na binabaha ng mga paseyenteng may COVID, at nasasagad na ang mga medical frontliners. Inihalintulad nila ang sitwasyon sa laro ng basketball: kailangan daw tumawag ng “time-out” at magsaayos ng plano at mga hakbang bago tuluyang matambakan at matalo ang ating koponan.
Bilang tugon, isinailalim ni Duterte ang Metro Manila at mga karatig na lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan sa Modified Enanched Community Quarantine mula Agosto 4 hanggang 18. Samakatwid, ganap at lubos na pagbaliktad sa pagluwag ng kuwarentina na inanunsiyo niya noong makalawa.
Kaya heto na naman tayo. Balik-lockdown para sa mga pinakamataong lungsod at probinsya sa buong kapuluan. Habang matagumpay na “napisa” a “napaimpis” ng mga kapitbahay nating bansa, tulad ng Thailand at Vietnam, ang paglobo ng bilang ng kanilang mga kaso ng COVID-19, at hinaharap nila ang buhay sa ilalim ng “new normal,” muling magdurusa ang milyun-milyong mga Pilipino nang walang kabuhayan, walang ayuda, at walang katiyakang ligtas sila sa pandemya. Wala nang mas malinaw pang indikasyon na hindi epektibo ang pagtugon ng administrasyong Duterte sa pandemya ng COVID-19.
Ngunit hindi lamang “take 2” ng lockdown ang hiningi ng mga medical frontliners. Humingi sila ng bagong plano para sa pagpapaunlad sa sistemang pangkalusugan, testing, contact tracing, at isolation
- mga bagay na hindi pa rin epektibong napatutupad ng administrastong Duterte kaya nagpapatuloy ang paglaganap ng coronavirus.
Kung hindi nakamit ng una at mas mahabang lockdown ang layuning “flattening the curve,” makaasa kaya tayo ng pag-unlad ngayon? May kasabihan na nagmula umano kay Albert Einstein: “Kahibangan ang gawin nang paulit-ulit ang isang bagay sa pag-asang magbabago ang resulta.” Mananatiling palpak at bigo ang tugon ng gubyerno sa pandemya, patuloy na dadami ang bilang ng mga kaso, at lalong magdurusa ang mamamayan habang pinangungunahan ito ng mga retiradong heneral (ang triumvirate nina DND Sec. Lorenzana bilang Chair ng National Task Force for COVID-19, DILG Sec. Ano bilang Vice-Chair, at Chief Implementer Sec. Galvez) ng inutil na DOH Sec. Duque, at higit sa lahat, ni Duterte, na walang ibang alam na solusyon kundi kamay na bakal, pananakot, at pandarahas sa mamamayan.