Back to List
Logo
kuwentas klaras
2020-08-19

Ingat sa “wish ko lang”

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Ingat sa “wish ko lang”

August 19, 2020

“Nandito po ako sa Davao. Huwag ho kayo maniwala,” ani Pang. Duterte sa Facebook Live video na pinost ng kanyang alalay na si Sen. Bong Go noong Lunes. Sa ganitong paraan, sinawata ang pinakahuling tsismis na sinugod sa Singapore si Duterte, at nasa malubhang kalagayan siya kung hindi man pumanaw na.

Hindi ito ang unang pagkakataon na kumalat ang tsismis na natigok na si Duterte. Praktisado na rin ang mga hakbang na isinasagawa ng mga tauhan ng pangulo upang tugunan ito, mula sa inisyal ng pahayag ng Presidential Spokersperson, pagbahagi ni Bong Go ng picture o video, hanggang sa muling paglutang sa publiko ni Duterte mismo.

Bakit tuloy-tuloy ang ispekulasyon kaugnay sa kalusugan ni Duterte at pana-panahong kumakalat ang tsimis na kinuha na siya ni Lord? Isang salik ang kanyang matandang edad at pagduda ng marami sa tunay niyang katayuang pangkalusugan, na hindi napapawi dahil sa pagtanggi ni Duterte na isapubliko ang kanyang medical records. Isa pa ang kanyang tamad na estilo ng pamumuno. Sa maraming pagkakataon, nawawala si Duterte sa mata ng publiko nang ilang araw o linggo, at lalabas lamang mula sa kanyang lungga kapag obligadong magbigay ng talumpati o pahayag. “Working President” - hindi siya yan.

Ngunit hindi rin maikakaila na animo’y gasolina sa apoy na nagpapabilis ng pagkalat ng tsimis kaugnay sa pagpanaw ni Duterte ang pagkamuhi ng paparaming bilang ng mga Pilipino sa kanyang papet, pahirap, pasista, at korap na paghahari. Nasusuka na sila sa pagpatay ng mga maralita at aktibista; pag-abuso ng mga pulis at militar; pagpapakatuta sa US at China; pagpataw ng pahirap na buwis; paglaganap ng kontraktwalisasyon; pananakot sa mga kritiko at oposisyon; pagpabor sa sa mga kroni at pagpikit-mata sa mga kakamping korap. Gayunman, nawawalan sila ng pag-asa na mapananagot si Duterte sa kanyang mga kalabisan dahil sa wari’y kontrolado niya ang mga institusyong politikal (Kongreso at Hukuman) na magsisilbi umanong check and balance laban sa abuso ng Ehekutibo at winawasiwas bilang sandata ang batas, pulis, at militar laban sa mga kritiko at oposisyon, habang minamaunpaktura ang ilusyon ng popularidad sa pamamagitan ng mga manipuladong survey at bayarang troll army sa social media. Sa ganitong kalagayan, nakabibighani ang ideya na maaaring matapos ang kasalukuyang kalbaryo ng sambayanan sa isang iglap kung sakaling manghimasok ang tadhana at magkatotoo ang mga ispekulasyon sa Viber.

Pero merong kasabihan: “Be careful what you wish for.” Baka kasi magkatotoo, at magdulot ng mga hindi inaasahan o hindi kanais-nais na resulta. Halimbawa, sinasabing naging mahalagang salik ang pagkamatay ni Cory Aquino sa pagtakbo at pagwagi ni Noynoy Aquino bilang Pangulo noong 2010. Kung sakali mang mangyari ang di napapanahong pagpanaw ng matandang Duterte dahil sa sakit, maaaring magbigay ito ng makapangyarihang daluyong ng simpatiya para sa pagtakbo ng anak sa 2022. Sa halip na mawakasan ang paghahari ng pangkating Duterte, matitiyak ang pananatili sa poder ng dinastiya sa susunod pang anim na taon.

Mas mabuting umasa sa sarili nating pagsisikap para imulat ang mamamayan at mabuo ang pagkakaisa para mawakasan ang tiranikong paghahari ni Duterte.