Papalag, o titiklop?
Papalag, o titiklop?
September 23, 2020
Katulad ng nabanggit sa espasyong ito noong nakaraang linggo, pumutok at nalantad na sa publiko ang nagaganap na bangayan sa hanay ng iba’t ibang paksyon sa hanay ng “supermajority” ni Pang. Duterte sa House of Representatives, na kasalukuyang pinamumunuan ni Speaker Alan Peter Cayetano. Naging laman ng balita ang hamunan ng suntukan nina Rep. Villafuerte at Rep. Teves, at ang pahayag ni Rep. Paolo “Polong” Duterte na ipadedeklara niyang bakante ang posisyon ng Speaker at mga Deputy Speaker.
Naturalmente, away sa hatian ng pork barrel ang magpapaliwanag sa kaguluhang ito. May mga kongresista hindi masaya sa alokasyon ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways sa kanilang distrito, samantalang labis na napapaboran ang ilang malapit sa kusina. Ito ang nasa likod ng banta ni Rep. Duterte laban sa pananatili ni Cayetano bilang Speaker. Walang duda na nagaganap ang mainit na negosasyon ng mga paksyon sa likod ng tabing. Samantala, nakatengga pa ang pag-apruba ng badyet ng DPWH.
Habang pinagkakaabalahan ng mga kongresista ang kanilang parte sa badyet para sa imprastruktura, isinusulong din ni Pang. Duterte ang pagpapalawak ng kanyang kontrol sa kabang-bayan para sa susunod na taon. Kamakailan, kanyang nilagdaan ang Proclamation 1021, na nagpapatuloy ng deklarasyon ng pambansang state of calamity na dulot ng pandemyang COVID-19 hanggang sa Setyembre 2021. Ano ang epektong ligal ng ganitong proklamasyon. Sa kasalukuyan, nangangahulugan ito na maaaring gamitin ng mga ehekutibo ng gubyernong pambansa at lokal, mula Pangulo hanggang mga mayor at kapitan, ang kanilang Calamity Fund at Quick Response Fund upang tugunan ang pandemya.
Ngunit, sa panukalang 2021 badyet ni Duterte, nagpaloob siya ng bagong probisyon kaugnay sa depinisyon ng “savings” ng gubyerno. Sa Section 67 ng General Provisions, bibigyan ang Pangulo ng kapangyarihang ideklara ang “final discontinuance or abandonment” ng kahit anong programa, aktibidad, o proyekto habang umiiral ang “state of national calamity.” Kung gayon, maituturing nang “savings” ang pondong nakalaan para rito, na maaaring ilaan ni Duterte para sa ibang gamit bilang tugon sa kalamidad.
Binigyan ng Kongreso si Duterte ng ganitong poder sa Bayanihan 1 at 2, dalawang batas na nasa balangkas ng emergency power at may malinaw na taning o expiration date. Kung aaprubahan ng Kongreso ang bagong depinisyon ng “savings” na hinihingi ng Malacanang, magiging pangkaraniwang poder ni Duterte ang dating “special” o “emergency power” - ang kapangyarihang katayin ang pambansang badyet ng 2021 at pagpasyahan kung magkano at saan ilalaan ang pondo ng taumbayan. Samakatwid, magiging presidential pork barrel ni Duterte ang buong badyet - bagay na kanais-nais para sa kanya lalo’t papalapit na ang halalang 2022.
Gayunman, hindi pa tiyak na isusuko ng Kongreso ang kanilang “power of the purse” kay Duterte ng ganoon na lamang. Natikman na nila ang hagupit ng special power na binigay kay Duterte ng Bayanihan law. Ang mga “Congressional insertions” sa DPWH badyet ng 2020 (mga lokal na proyekto ng mga kongresista para sa kanilang distrito) ang kabilang sa mga unang kinansela ni Duterte upang makapagpalitaw ng pondo para magamit sa tugon laban sa pandemya. Subaybayan natin: papalag ba, o titiklop, ang Kongreso?