Back to List
Logo
kuwentas klaras
2020-11-11

Kung bakit si Sinas

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Kung bakit si Sinas

November 11, 2020

Nanungkulan ngayong Martes si Police Maj. Gen. Debold Sinas bilang bagong hepe ng Philippine National Police. “We should walk the talk in the PNP,” sabi niya sa kanyang unang talumpati. Walang saysay ang anumang hamon na magmumula sa bibig ni Sinas yamang hindi niya kailanman mapangigibabawan ang kanyang nakaraan bilang isa sa mga pinakaprominenteng lumabag sa batas ngunit umiwas sa anumang panananagutan. Alam ng lahat kung paanong pinangunahan niya ang isang “mañanita” o birthday party para sa kanyang sarili sa loob ng Camp Bagong Diwa, sa kalagitnaan ng lockdown noong Mayo, habang libo-libong mga kababayan natin ang pinaghuhuli at kinukulong ng kapulisan dahil umano sa paglabag sa kwarentina. Sa pagluklok sa kaniya bilang hepe, lalong binubulok ni Sinas ang imahe at kredibilidad ng PNP bilang institusyon na inaasahang magpatupad ng batas ng pantay at walang kinikilingan.

Gayunman, bakit siya ang hinirang ni Pang. Duterte upang mamuno sa PNP hanggang Mayo 2021, kung kailan obligadong magretiro si Sinas?

Mainam na balikan ang kanyang naging track record, lalo na bilang Regional Director ng PNP sa Region 7 (Central Visayas) mula Hulyo 2018 hanggang Oktubre 2019, at ng NCR mula Nobyembre 2019 hanggang sa pagkakatalaga niya bilang PNP chief. Ayon sa Commission on Human Rights, naging markado ang pagdami ng biktima ng tokhang mula ng manungkulan si Sinas sa Central Visayas. Ayon sa mga ulat, may naitalang 320 pagpatay na may kinalaman sa droga. May 120 dito na resulta ng buy-bust operation, samantalang vigilante killing ang nalalabi.

Sa tulong ng militar, pinangunahan din ni Sinas ang ilang malawakang operasyon laban sa mga aktibista at mamamayang inaakusahang tagasuporta ng CPP-NPA sa Negros Oriental. Kabilang dito ang Oplan Sauron Part 1 noong Disyembre 2018, at Part 2 noong Marso 2019, na nagresulta sa pagpatay ng mga magsasaka at pag-aresto sa mga aktibista na ikinulong batay sa mga gawa-gawang kaso.

Pinasimunuan ni Sinas ang modus operandi ng paggamit sa maramihang mga search warrant para pasukin ang mga opisina at tahanan ng mga kilalang aktibista, pagtanim ng baril at granada, at pagkaso sa mga ito ng non-bailable na kaso ng illegal possession of firearms and explosive.

Sa pag-upo niya bilang bagong hepe ng NCRPO noong Nobyembre 2019, ginamit niya ang ganitong modus laban sa mga aktibista sa Maynila. Kabilang sa mga biktima niya si Reina Mae Nasino, ang human rights worker na inaresto sa Tondo, sinampahan ng gawa-gawang kaso, nanganak sa kulungan, at hiniwalay sa kanyang sanggol na si River, na namatay dahil sa sakit nitong Oktubre.

Maaaring hindi lamang ang pag-aresto sa mga aktibista ang inangkat ni Sinas mula sa Negros. Maihahalintulad ang brutal na pagpaslang kay Anakpawis chairman Randall Echanis sa kamay ng isang squad o team na pumasok sa kanyang tahanan sa Quezon City nitong Agosto sa estilo ng pagpaslang kay Canlaon City councilor Ramon Jalandoni noong Hulyo 2019.

“I need him more to be at his job,” ang naging pahayag ng Pangulo nang tanggihan niya ang mga panawagang sibakin si Sinas sa puwesto matapos pumutok ang kanyang isyu ng mañanita. Batay sa kanyang rekord, nagpakitang-gilas si Sinas sa pagpapatupad ng tokhang at pag-crackdown sa mga aktibista. Hindi malayong isipin na inilagay siya ni Duterte sa puwesto upang trabahuhin ang dalawang bagay na ito sa mga susunod na araw at buwan.