Back to List
Logo
kuwentas klaras
2020-12-09

Batas ng Kronyismo

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Batas ng Kronyismo

December 09, 2020

Nakasalang ngayon sa plenaryo ng Kamara ang isang panukalang batas na kabilang sa mga priority measures na tinutulak ng Malacanang, partikular ng economic managers nito. Ito ang “Government Financial Institutions (GFIs) Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act.” Tawagin na lang natin itong GUIDE bill. Sa panukalang ito, maglalaan ang gubyerno ng Php 55 bilyon para umano sa rehabilitasyon ng mga kumpanyang naghihingalo dahil sa krisis sa ekonomiya na pinalala ng pandemya ng COVID-19.

Dalawang tipo ng negosyo ang tutulungan umano ng panukala: ana, mga maliliit na negosyo o Micro, Small, and Medium Enterpises (MSMEs), na sumasakalaw sa mga pinakamaliit na negosyo hanggang sa mga kumpanyang nagkakahalagang Php 100 milyon; at pangalawa, mga kumpanya sa mga “strategically important industries or sectors,” tulad ng “agriculture, infrastructure, service industry, and manufacturing industries.” Malamang na kabilang dito, halimbawa, ang mga airlines, shipping, at negosyo sa turismo, na mabigat na tinamaan ng pandemya.

Anong tulong ang ibibigay ng gubyerno? Para sa mga MSMEs, pagpapalawak ng loan guarantee program ng Philippine Guarantee Corporation; pagpapautang at rediscounting ng utang ng Development Bank of the Philippines sa mga MSME sa infrastructure, services, at manufacturing; pagpapautang ng LandBank sa mga MSME sa agrikultura.

So far so good. Dapat tulungan ang mga MSMEs, na pinagmumulan ng mahigit 60% ng empleyo sa buong bansa. Ngunit gayong Php 5 bilyon lamang sa kabuuang Php 55 bilyon ang tiyak na ilalaan para sa loan guarantee ng PGC para sa mga MSMEs, maaaring sabihing palamuti at pantabing lamang ito sa tunay na pakay ng GUIDE.

Nakapatungkol ang kalakhan ng mga probisyon ng bill sa paglikha ng isang “special holding company” na magngangalang Accelerating Recovery to Intensify Solidarity and Equity, Inc., o ARISE. Isa itong government corporation, ngunit exempted sa mga batas na kailangang sundin ng iba pang korporasyon ng gubyerno, kaugnay sa procurement, auditing and accounting, salary standardization, pagbayad ng buwis, atbp. Pamumunuan ito ng Board of Directors sa pangunguna ng Finance Secretary, at may kapangyarihang mamuhunan sa mga pribadong kumpanya, sa anyo ng stock shares, bonds, o securities, sa mga nabanggit sa itaas na “strategically important” industries. Walang duda na dito ilalaan ang kalakhan ng Php 55 bilyon na tinutukoy sa GUIDE bill.

Bukod sa dagdag na puhunan na ibubuhos ng ARISE sa mga kumpanyang bibigyan ng ayuda, bibigyan din ng panukalang batas ang ARISE at mga subsidiary na lilikhain nito ng mga mahalagang pribilehiyo na may bisa nang tatlong taon: exemption sa pagbayad ng buwis, kabilang ang income tax at VAT, sa ilang mga transaksyon; pagpapahintulot sa negotiated procurement sa halip na open bidding; at exemption sa mga probisyon ng Philippine Competition Act.

Sa pamamagitan ng ARISE, nais likhain ng naghaharing pangkating Duterte ang isang makapangyarihang kasangkapan para mapalawak ang kanilang kapangyarihan sa ekonomiya, mapasok ang iba’t ibang estratehikong sektor, at makontrol ang mga susing korporasyon sa mga ito. Gagamitin ang Php 55 bilyon na pondong publiko bilang isang “war chest” para masuportahan ang mga pinapaborang kapitalista na nagigipit dahil sa pandemya. Maaari ding gamitin para maagaw o malipat ang kontrol ng mga estratehikong negosyo mula sa oligarkong kaaway tungo sa kaibigan. Sa bandang huli, matapos konsentrahin sa ARISE, Inc. ang kontrol at impluwensiya sa maraming estratehikong korporasyon sa buong ekonomiya, isasapribado ito sa kung sinong pinagpalang oligarko. Paglevel-up sa kronyismo ng pangkating Duterte ang GUIDE.