Pulis ang terorista
Pulis ang terorista
December 23, 2020
Nararapat lamang ang nangyaring pag-ani ng matinding pagkamuhi at galit mula sa marami (ngunit hindi lahat) ng Pilipino ng karumal-dumal na pagpaslang ni Police Senior Master Sargeant Jonel Nuezca sa mag-inang sina Sonya at Frank Gregorio sa Paniqui, Tarlac, bunga ng alitan nilang magkapitbahay na nagsimula sa pagpaputok ng “boga.”
Mabilis na lumaganap sa social media ang video na kinuha ng isang kamag-anak ng mga biktima na saksi sa pangyayari, kasama ng iba pa nilang kapamilya. Sa gitna ng mainit na palitan ng salita, kitang-kita kung paanong pinaputukan ni Nuezca sa sentido ang bawat biktima, at sinundan ng isa pang putok nang mahandusay sila sa lupa. Ginawa niya ito sa harap nang napakaraming saksi, kabilang ang sarili niyang anak na batang babae.
Wasto na iugnay ang double murder na ginawa ng isang pulis sa di-armadong mga sibilyan sa harap ng napakaraming saksi sa kultura ng pang-aabuso sa poder at impunity o kawalan ng pananagot na matagal nang umiiral sa Philippine National Police, ngunit sukdulang kinunsinti, hinikayat, at lalong pinalago ni Pang. Duterte mula nang maluklok siya sa puwesto. Alam nating lahat kung paanong yinuyurakan ni Duterte ang konsepto ng karapatang pantao; tahasang nag-utos sa kapulisan ng “Shoot them dead!;” at sinulsulan ang pulis na gamitin ang modus ng “nanlaban” upang pagktakpan ang pagpatay sa mga sibilyan. Mga pulis na katulad ni Nuezca, na nanatili sa serbisyo sa kabila nang pagkakasangkot niya sa dalawang kasong homicide noong 2019, ang mga bergdugong nagpapatupad ng “gera kontra droga” laban sa maralita, na nagresulta sa mahigit dalawampung libong extrajudicial killings.
Sa kabila nang walang-humpay na red-tagging, panunupil, pagpatay, pagtanim ng ebidensya, at pagpapakulong batay sa gawa-gawang kaso na isinasagawa ni Duterte at ng pulis at militar laban sa mga aktibista, at pagbansag sa kanila bilang mga terorista, nilalantad ng mga pangyayari ang puro at dalisay na katotohanan. Pulis ang terorista! Ginagamit sila ng rehimeng Duterte bilang marahas na armadong puwersa laban sa mamamayan, upang takutin at patahimikin ang mga Pilipino sa gitna ng lumalalang pandemya at krisis pangkabuhayan.
Paborito ng mga tagapagtanggol ng brutalidad at pagmamalabis ng kapulisan ang linya na “huwag lahatin ang buong PNP;” “isolated case” lamang umano ang mga nalalantad na kaso ng abuso na kagagawan ng iilang “rogue cops,” habang “matino ang karamihan ng pulis.” Isang palaisipan para sa kanila: bahagi ng pagiging matinong alagad ng batas, hindi lamang ang pagsunod sa lahat ng batas at alituntunin, at pagrespeto sa karapatan ng bawat mamamayan. Kabilang din dito ang hindi pagkunsinti sa mga paglabag at pang-aabuso ng kanilang mga kapwa pulis. Damay ang buong institusyon ng PNP at bawat kasapi nito sa sistematikong pagsisinungaling sa publiko, pagtatakip, at pagtakas sa pananagutan sa mga krimen laban sa sangkatauhan na isinasagawa nito laban sa libo-libong mga biktima ng tokhang, paniniil sa mga aktibista, at iba pang itinuturing na kaaway ng administrasyong Duterte.