Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-02-24

Dinastiya sa Malakanyang

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Dinastiya sa Malakanyang

February 24, 2021

Dahil iniluwal ng pakikibaka para sa pakpapatalsik kay Ferdinand Marcos, may ilang mga probisyon sa Saligang Batas ng 1987 na inilakip bilang panganggalang sa panunumbalik ng diktaturya. Kabilang dito ang pagtakda ng isang termino lamang na anim na taon ng panunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinas.

Naiiba ito sa kalakaran bago mag-Martial Law. Sa ilalim ng Konstitusyong 1935, natutulad ang ating sistema sa Estados Unidos: apat na taon ang termino ng Pangulo, at maaari siyang magpahalal muli nang isa pang termino. Sa ganitong sistema, nagsisilbi bilang referendum sa performance ng nakaupong Pangulo ang halalan: pagpapasyahan ng mga botante kung nararapat siyang manatili o sibakin sa puwesto. Sa kaso ng US, nalasap ni Donald Trump ang mapait na hatol ng mamamayan nang mabigo ang kanyang tangkang muling mahalal. Sa ilalim ng Konstitusyong 1987, ipinagbawal ang muling pagtakbo ng sinumang Presidente.

Tinangka ng ilang mga Pangulo na labis na nahumaling sa kapangyarihan na igpawan ang isang terminong limitasyon sa pamamagitan ng Charter change, o pagrebisa sa konstitusyon. Gayunman, mula sa panahon nina Ramos at Arroyo, hanggang sa kasalukuyang tulak ni Duterte, binibigo ng publiko ang anumang mga tangkang chacha, pangunahin dahil sa pagkamuhi sa pakay na term extension.

Ngayong hindi na maitatanggi na patatakbuhin ni Pang. Duterte ang kanyang anak na si Sara bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2022. Sa unang pagkakataon, bumubukas ang posibilidad ng dinastikong paghalili sa pinakamataas na puwesto ng gubyerno: isang Duterte ang hahalili kay Duterte. Liban sa pagtanggal sa isang terminong limitasyon sa Konstitusyon, ang paghalili ng anak sa ama ang pinakamabisang paraan upang makapanatili sa poder ang angkang Duterte at mga malaking kapitalista, pulitko, at mga militarista na bumubuo ng kanyang naghaharing pangkatin.

Batid ng lahat na mangangahulugan ang paghalili ng anak sa ama ng pagpapatuloy ng mga patakarang pinaiiral ni Pang. Duterte: ang walang patumanggang patayan, pagsikil sa karapatan, pagsupil sa mga kritiko at oposisyon, palpak na tugon sa pandemya na lalong nagpabagsak sa ekonomiya, paghirap ng buhay ng ordinaryong mamamayan, patuloy na pangungurakot ng mga nasa poder, at pangunguyapapa sa China.

Kung gayon, nababago ang katangian ng parating na halalan. Bilang tangka ng mga Duterte na muling magpahalal sa puwesto ng Pangulo, hindi maiiwasang ituring ang eleksyon bilang araw ng pagtutuos. Atin bang patatalsikin, o hahayaang manatili sa Malakanyang nang dagdag na anim na taon, ang tiranikong dinastiyang Duterte?

Ang hamon sa mamayan: kaya ba nating mabuo ang pinakamalawak na pagkakaisa upang gapiin ang kandidato ni Duterte sa halalang 2022?