Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-03-03

Alamat ng “nanlaban”

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Alamat ng “nanlaban”

March 03, 2021

Isa sa mga pundasyon ng madugong “gera kotra droga” ni Pang. Duterte ang naratibo ng “nanlaban.” Mula sa unang pag-upo niya bilang Presidente hanggang sa kasalukuyan, paulit-ulit ang kanyang deklarasyon sa publiko na maaaring pumatay ang pulis ng suspek kung siya ay “nanlaban” - gumamit ng dahas upang makaiwas sa pag-aresto.

Umabot na sa libo-libo (mahigit 30,000, ayon sa mga human rights groups; 6,600 daw, ayon kay dating Philippine National Police Chief Albayalde) ang mga napaslang sa mga operasyong kontra droga ng PNP mula ng 2016, at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ayon sa PNP, pawang “nanlaban” umano ang mga biktima, na kadalasa’y nagmumula sa hanay ng maralita. Sa dami ng bilang at paglaganap sa bawat sulok ng kapuluan ng mga kasong “nanlaban,” malinaw ang pagyakap at pagsasabuhay ng buong institusyon ng PNP sa istoryang “nanlaban” upang maisagawa ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga, alinsunod sa kagustuhan ni Pang. Duterte.

Marahil, napaniwala ni Pang. Duterte ang hanay ng kapulisan, at maging ang malaking bahagi ng publiko, na makasasapat na ang pagsambit lamang ng mga awtoridad ng katagang “nanlaban,” upang mapawi ang anumang pananagutan ng pulis sa pagpatay sa suspek.

Pawang kabulastugan ito. Sa ilalim ng batas, hindi awtomatikong kinikilala ang pahayag ng pulis na “nanlaban” ang isang suspek kaya makatwiran ang paggamit ng nakamamatay na dahas laban sa kanya. Maging sa manual ng Operational Procedures ng PNP, itinatakda ang kailangang isailalim ang insidente ng pagpaslang sa imbestigasyon ng Inquest Prosecutor upang alamin kung naging makatwiran ba ang paggamit ng puis ng dahas. Kung hindi, mahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang pulis.

Noon pang 2019, nilantad at siningil ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang PNP sa kabiguan nitong sundin ang sariling alituntunin. Sa 6,600 kaso ng pagpatay ng mga suspek sa mga drug operations na inamin ng PNP, 150 kaso lamang ang isinumite sa inquest prosecutor. Sa ganitong paraan, naiiwasan ang anumang hiwalay na imbestigasyon sa kalakhan ng mga pagpatay.

Nitong nakaraang linggo, inamin mismo ni Department of Justice Sec. Menardo Guevarra sa harap ng United Nations Human Rights Council na sa maraming kasong “nanlaban,” hindi nagsagawa ang mga pulis ng masusing imbestigasyon (halibawa, ballistics test, beripikasyon ng may-ari ng baril, atbp.).

Nagbigay ito ng pasilip sa malaganap na pagpikit ng mata at aktibong pagtatakip sa krimen na kinasasangkutan ng buong organisasyon ng PNP upang maisagawa ang mga pagpatay ng suspek sa droga nang walang anumang pagkilala sa karapatang pantao o pagsunod sa due process, alinsunod sa tagubilin ni Pang. Duterte. Sa ganitong paraan, isinasagawa ang walang habas na pagpatay sa libo-libong mga Pilipino at krimen laban sa sangkatauhan.