Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-03-17

Bagong Taon ng Pandemya

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Bagong Taon ng Pandemya

March 17, 2021

Minamarka natin ngayong linggo ang isang taong anibersaryo ng pagpapasailalim ng buong bansa sa lockdown, bilang tugon ng rehimeng Duterte sa paglaganap ng pandemya ng COVID-19 sa loob ng bansa noong Marso 2020.

Mula sa simula, pawang kapalpakan ang pinakita ni Pang. Duterte at ng kanyang mga mataas na opisyal sa bawat yugto ng pagtugon sa krisis. Mula sa pagmamaliit ni Duterte sa banda ng bagong coronavirus (“P— inang idioto na corona ito. Hinahanap ko gusto ko sampalin ang gago!”); naantalang pagdeklara ng travel ban mula sa Wuhan, China; kawalan ng sapat na Personal Protective Equipment para sa mga medical frontliners; pagmamatigas na hindi kailangan ng mass testing; kapos at mabagal na pamamahagi ng pagkain at ayudang pinansyal (hanggang ngayon, hindi pa rin natatanggap ng marami ang ikalawang tranche na pinondohan ng Bayanihan 2); brutal na lockdown (“Shoot them dead!”) para sa mga karaniwang tao, laluna sa maralita, na umabot sa mahigit 100,000 ang inarest at kinulong, samantalang pinabayaan ang mga prominenteng opisyal ng administrasyon na garapal na lumabag sa quarantine rules (Koko Pimentel, Mocha Uson, Harry Roque, Debold Sinas); pagpapatupad ng programang Balik-Probinsya at repatriation ng OFWs na nagtiyak ng pagkalat ng COVID-19 sa lahat ng rehiyon at probinsya ng bansa; at ang dambuhalang pangungurakot sa Philhealth sa kalagitnaan ng walang kapantay na krisis pangkalusugan. Idagdag sa mahabang litanyang ito ng kapalpakan ng rehimen ang pinakahuli. Habang nagsisimula na ang kampanya sa pagbabakuna ng mga kapitbahay nating bansa, naantala ang pagbili ng ating gubyerno ng mga bakuna (dulot ng kumbinasyon ng kamangmangan at pagkagahaman sa kickback at tubo), kung kaya’t malamang na sa huling hati pa ng taon magsisimula ang mass roll-out ng pagbabakuna kontra sa COVID-19

Maaga pa lamang, panawagan na ng mga aktibista ang wastong tugon sa pandemya: “Solusyon medikal, hindi militar!” Sa kasamaang palad, ginamit ni Duterte ang pandemya upang lalong palawakin at pahigpitin ang kanyang tiranikong paghahari sa ating lipunan at pagtiyak na mananatili ito sa poder nang lagpas sa 2022. Inilagay niya sa kamay ng mga heneral (retirado at aktibo) ang pamamalakad sa lipunan sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force. Niratsada ang pagsasabatas ng Anti-Terror Law. Tinulak ang sapilitang pagpapasara sa ABS-CBN. Pinakawalan ang pulis, militar, mga ahensiyang pampropaganda ng gubyerno sa pangunguna ng Presidential Communications Operations Office upang atakehin, takutin, at supilin ang mga kritiko ng administrasyon, laluna ang mga militante at aktibista. Namayagpag ang red-tagging at pagpatay sa mga aktibista o di kaya’y pag-aresto at kulong sa kanila batay sa tanim na ebidensya at gawa-gawang kaso. Tinulak ang kampanya para sa “rev gov” ng kanyang mga panatiko, samantalang isinulong sa Kongreso ang ‘cha cha.” Ngayon, malinaw na nagbuhos na ng rekurso para simulan ang presidential campaign ni Sara Duterte (“Run, Sara, run!”), kasabay ng paglutang ng pagtakbo ni Bong Go bilang Presidente at ni Pang. Duterte Rodrigo bilang Bise-Presidente.

Ano ang napala natin, matapos ang lahat nang ito? Dumausdos ang ekonomiya ng 9.5%, pinakamalalang pagbagsak mula ng World War II. Milyun-milyon ang walang trabaho o kapos ang kabuhayan. Naghihingalo ang mga negosyo, laluna ang maliit at panggitna. Samantala, sa halip na makontrol ang pandemya, muling rumururok ang bilang ng kaso. Malamang na mahigitan na ang rekord ng bilang ng arawang impeksyon sa mga susunod na araw.

Lubos ang kapalpakan ng militaristang tugon ni Duterte sa pandemya. Napatunayan na higit na nakamamatay ang pasistang si Duterte kumpara sa coronavirus. Sa pagsalubong natin sa bagong taon ng pandemya, kailangan nating matanto na nakasalalay ang pag-asa sa pagwakas sa paghahari ni Duterte.