Agawang Bise (Presidente)
Agawang Bise (Presidente)
March 31, 2021
Sa kasaysayan ng mga pambamsang halalan, palaging sekundaryo ang halaga at pansin na inilalaan ng lahat sa paligsahan para sa titulo ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng gubyerno - ang Pangalawang Pangulo o Bise Presidente ng Republika. Kauna-unawa at naaangkop dahil sa katangian ng puwesto bilang “reserbang gulong” kung sakaling may mangyari at hindi makumpleto ng Pangulo ang kanyang termino.
Gayunman, maaaring sabihin na may naiibang kahalagahan ang laban para sa posisyon ng Bise Presidente sa 2022. Sa napakaraming paraan at pagkakataon, pinakita ni Pang. Duterte at ng kanyang naghaharing paksyon na handa itong itulak ang lahat ng paraan (kabilang ang charter change, “rev gov,” no-el, atbp.) upang mapanatili ang kapit sa poder nang lagpas sa taning ng kanyang termino sa 2022. Ngayon, kanila nang inilalako ang pagtakbo bilang Pangulo ng anak, si Davao City Mayor Sara Duterte. Kamakailan, nanawagan ang isang paksyon sa loob ng partidong PDP-Laban ng pagtakbo bilang Presidente ni Sen. Bong Go at ni Pang. Duterte bilang Bise Presidente sa 2022. Nakasalang na ang mga sangkap ng “Davao formula” ng dinastikong paghalili sa puwesto (salitan ng ama at anak sa puwesto ng mayor at bise) na ginamit ng mga Duterte upang mapanatili ang kapit sa puwesto ng kanilang angkan sa loob ng ilang dekada at posibleng tangkain nilang ulitin sa pambansang antas.
Lilikha ng sakit ng ulo para sa oposisyon ang pagtakbo ni Pang. Duterte bilang Bise Presidente. Kung, sa kabila ng kanyang palpak na pagtugon sa pandemya, mapanatili pa rin niya ang kanyang popularidad, mahirap makahanap ng kandidatong tatalo sa kanya. Kung manalo si Sara man o Bong Go bilang Pangulo at siya bilang Bise, selyado ang kapit sa poder ng kanyang pangkatin hanggang 2028. Kung si Bong Go ang manalo, isang kalabit lang, maaari itong magbitiw sa puwesto at bumalik bilang Pangulo si Duterte.
Kung sakali mang matalo ang kanilang kandidatong Pangulo ngunit manalo bilang Bise si Pang. Duterte, kailangang bantayan ng nagwagi ang posibildad ng tangkang ‘restorasyon’ - na makatipon ng sapat na lakas si Duterte sa Kongreso at Hudikatura upang mapatalsik sa puwesto ang Pangulo. Kung gayon, hindi makakatulog nang mahimbing ang Pangulo habang si Digong ang kanyang Bise.
Ano ang maaaring pumigil sa mag-amang Duterte na angkinin ang puwesto ng Presidente at Bise? Maaaring magrenda sila at ibukas ang puwesto ng Bise sa alyado (tulad ni Marcos) o posibleng karibal (tulad ni Manny Pacquiao o Isko Moreno). Paano naman ang edad at kalusugan ng nakatatandang Duterte? Maaaring maging konsiderasyon ito, maaaring hindi.
Kung anuman, may dalawang puntong dapat harapin ang mga demokratikong pwersang naglalayong wakasan ang tiranikong paghaharing Duterte sa 2022: una, kailangang seryosohin ang laban hindi lamang para sa Presidente kundi maging sa Bise Presidente; pangalawa, kailangan nilang ipagwagi ang tambalang ito.