Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-04-21

Community Pantry of the Philippines

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Community Pantry of the Philippines

April 21, 2021

Naglaan ang administrasyon ng Php 22.9 bilyon bilang ayuda na tinarget para sa 22.9 milyong indibidwal na apektado ng mas mahigpit na lockdown (“Enhanced Community Quarantine”) ng Metro Manila at mga karatig na probinsya ng Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite (tinaguriang “NCR Plus”), mula March 29 hanggang April 11. Magbibigay umano ng Php 1,000 kada tao, sa maximum na Php 4,000 kada pamilya. Bukod sa kakapusan ng halaga, malinaw na hindi pa rin nalulutas ng gubyerno ang problema ng mabagal na pamamahagi ng ayuda. Ayon sa pinakahuling ulat ng Department of the Interior and Local Government, umaabot pa lamang sa Php 4.47 bilyon (o 19.5% ng kabuuang pondo) ang napamamahagi ng mga Local Government Units ng NCR Plus, na nakarating sa tinatayang 4.47 milyong indibidwal. Tandaan nating mahigit isang buwan na ang lumipas mula nang matapos ang ikalawang ECQ ng pandemya, ngunit malayo pa sa kalahati ang nabibigyan ng kakarampot na ayuda. Sa gitna ito ng lumalalang kagutuman at kahirapan, pagdami ng nagsasarang mga maliit at katamtamang-laking negosyo, at pagtaas ng presyo ng bilihin, laluna na ng pagkain, sa pangunguna ng karneng baboy.

Bilang tugon sa kapalpakan ng administrasyong Duterte na matugunan ang kahirapan at gutom sa mga komunidad, sinimulan ng isang pribadong mamamayan, si Ana Patricia Non, ang isang “community pantry” sa Maginhawa Street sa Quezon City. Simple lamang ito: isang estante na may bigas, tinapay, gulay, itlog, at iba pang maaaring ihain sa hapag-kainan. May karatulang nagtatakda ng prinsipyong gumagabay: “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan.” Bukas ang community pantry na kumuha ng pagkain, nang libre at walang bayad, ang sinumang nangangailangan, at mag-ambag ang sinumang may nais. Sa kabila ng pagduda ng ilan, kamanghamangha ang naging tagumpay nito. Humaba ang pila ng mga nangangailangan, ngunit hindi naubos ang mga donasyon ng pagkain sa community pantry. Nagsilbi itong inspirasyon sa marami at lumaganap nang parang apoy. Sa loob lamang ng ilang araw, may naitalang mahigit 200 community pantry na itinayo ng iba’t ibang mga indibidwal at grupo sa buong kapuluan. Maaaring sabihing naging isang ispontayong kilusang pambansa ang pagtatayo ng mga community pantry.

Hindi bulag at bingi ang rehimeng Duterte sa di-lantad na mensahe ng kilusang community pantry: napipilitang magtulungan ang mamamayan dahil naniniwala silang wala silang maaasahan sa gubyerno. Ano ang tugon ng Malacanang: habang pinupuri ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang diwa ng “bayanihan,” pinakawalan naman nito ang kanyang mga asong ulol sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Nagpalaganap si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ng kabalbalan na ginagamit umano ng Communist Party of the Philippines ang mga community pantry para magpropaganda laban sa gubyerno, magrekrut, at mangalap ng pondo. Dinumog ng mga pulis ang ilang pantry, humingi ng listahan ng mga pangalan at organisasyon kinabibilangan at nagbanta na ipagbabawal ang pamamahagi ng libreng pagkain dahil walang permit.

Kongkretong patunay ito sa kahandaan ng rehimeng Duterte na supilin ang anumang kilos na maituturing na kritisismo sa pamamalakad. Gagamitan ng kamay na bakal, maging ang pagtulong sa kapwa na nagugutom at walang makain. Narito ang isang kongkretong mungkahi: buwagin ang NTF-ELCAC na walang alam kundi red-tagging at gamitin ang Php 19 bilyon badyet nito para sa pagpondo ng mas marami pang mga community pantry.

Mabuhay ang Community Pantry of the Philippines-National Pantry Association!