Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-05-05

Umurong ang Jet Ski

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Umurong ang Jet Ski

May 05, 2021

Walang dudang nais ni Pang. Duterte na maalala ng mga susunod na henerasyon bilang isang pinunong may maningning na ambag sa pagpapaunlad ng bansa at pag-angat ng kabuhayan ng mga Pilipino.

Sa kasamaang palad para sa kanya, malayo ito sa katotohanan. Mas malamang sa hindi na maitatala sa kasaysayan ang pangunguna ni Duterte sa pagpaslang sa libo-libong mga kapwa-Pilipino sa ngalan ng pekeng gera kontra droga at terorismo; paglabag sa mga batayang karapatan at pagwasak sa mga demokratikong institusyon upang makapanatili sa poder; at pagkanulo sa teritoryo at soberanong karapatan ng Pilipinas kapalit ng mga pabor mula sa China.

Dahil dito, sa huling taon ng kanyang panunungkulan, ginagamit ni Pang. Duterte ang kanyang lingguhang “Talk to the People” upang ipalaganap sa publiko ang kanyang retokadong salaysay ng mga mahalagang kaganapan at pangyayari sa ilalim ng kanyang administrasyon. Sa kanyang talumpati nitong Lunes, napilitan siyang muling magsalita tungkol sa pakikitungo ng kanyang administrasyon sa China habang nagpapatuloy ang panghihimasok ng mga barko ng Tsina sa Julian Felipe Reef, na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone. Sa gitna ng lumalakas na paniningil ng publiko sa kawalan ng aksyon ni Duterte sa pag-aangkin ng China sa ating karagatan (nagtrending sa social media ang hashtag na #DuterteTraydor), nagdeklara si Duterte ng sumusunod: “I never, never in my campaign as president promised the people that I would retake the West Philippine Sea. I did not promise that I would pressure China. I never mentioned about China and the Philippines in my campaign because that is a very serious matter.”

Ano pa nga ba ito kundi garapal na kasinungalingan? Walang nakalilimot sa kanyang pangako noong panahon ng kampanya ng 2016. “Pag ayaw nila [ng China], I will ask the Navy to bring me to the nearest boundary diyan sa Spratly, Scarborough. Bababa ako, sasakay ako ng jet ski, dala-dala ko yung flag ng Pilipino at pupunta ako dun sa airport nila. Tapos itatanim ko then I would say ‘this is ours and do what you want with me.” I would stake that claim.”

Marahil, hindi iilan ang katulad ni Sen. Manny Pacquao, na bagaman tagasuporta ng Pangulo ngunit nagpahayag ng pagkadismaya sa pagbabahag-buntot ni Duterte. “Nakakapanghina kasi iba sa simula. Narinig natin bago mag-eleksyon, sa kampanya, nung sinabi niya na mag-jet ski siya dala ang bansang Pilipinas. Sa puso ko noon, sabi ko, ito na iboboto ko,” wika ng senador (na tila pumoporma na para sa pagtakbo bilang Pangulo sa 2022).

Pilit mang itatwa ni Duterte at sikaping burahin sa alaala, tumatayo ngayon ang imahe ng jetski bilang simbolo ng kanyang pangakong napako, ang pagtalikod niya sa sinupaang tungkuling ipagtanggol ang teritoryo at soberanong karapatan ng bansa kapalit ng ano nga bang pakinabang mula sa China?