Kronyismo sa panahon ng pandemya
Kronyismo sa panahon ng pandemya
June 16, 2021
Tinalakay noong nakaraang linggo sa espasyong ito ang parating na panahon ng pagkasaid ng natural gas mula sa Malampaya gas field sa karagatan ng West Philippine Sea, na nagpapatakbo ng mga malaking planta ng kuryente na nagpapailaw sa 25% ng Luzon grid. Ayon sa pinakahuling ulat sa Senado, magaganap ito sa taong 2027. Nakasalalay ang patuloy na pag-unlad ng pambansang ekonomiya sa hinaharap sa paghanap ng pagong mapagkukunan ng enerhiya.
Batid ito ng administrasyong Duterte at ng lahat ng mga major player sa sektor ng enerhiya at negosyo. Mula ng makaupo sa puwesto si Pang. Duterte, kapansin-pansin ang mga galaw sa larangang ito ng malaking negosyante mula sa Davao na malapit sa kanya, si Dennis A. Uy. Noong 2018, nakipagsosyo ang Pheonix Petroleum ni Uy sa CNOOC Gas and Power Group Co. Ltd. ng China upang magtayo ng isang Liquefied Natural Gas (LNG) terminal hub sa Batangas. Isa itong pasilidad na magsisilbing imbakan ng imported na LNG na maaaring pampalit sa natural gas ng Malampaya. Ang pag-import ng LNG ang nakikitang kagyat at short-term na pampalit kapag natuyo na ang mga balon ng Malampaya sa kailaliman ng dagat.
Ngunit dahil imported, mas mahal ang LNG at magpapataas ng presyo ng kuryente na nakasalalay dito. Pangmatagalang soluyson pa rin para sa mas mura at matatag na pagmumulan ng kuryente ang pagtuklas, pagpapaunlad, at pagpapagana ng mga bagong balon ng natural gas na nasa West Philippine Sea. Noong 2010, binigyan ng Department of Energy ang isang kumpanyang UK (Forum Energy Philippines, na kasalukuyang nasa kontrol ng negosyanteng si Manny Pangilinan) ng Service Contract 72 na matatagpuan sa Reed Bank (o Recto Bank), mahigit-kumulang 250 kilometro sa timog-kanluran ng Malampaya. Noong 2011, natuklasan dito ang Samapguita gas field, na may potensyal na mapaunlad bilang bagong pagmumulan ng natural gas na maaaring pumalit sa Malampaya. Nasa loob ito ng ating Exclusive Economic Zone subalit inaangkin ng China batay sa bogus na 9-Dash Line claim nito na binasura ng Permanent Court of Arbitration. Dahil dito, pinatigil ng gubyerno ang anumang explorasyon at pagpaunlad ng Sampaguita gas field mula 2012, nang sumiklab ang stand-off sa pagitan ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal. Mula noon, natengga ang anumang pagpapaunlad sa Sampaguita gas field. Nitong Oktubre 2020 lamang inatras ni Pang. Duterte ang pagbawal sa anumang explorasyon para sa krudo at natural gas sa West Philippine Sea.
Gayunman, naging masigla ang kilos ng krony ni Duterte sa larangang ito. Partikular na target ni Dennis Uy ang pag-takeover sa Malampaya gas field. Noong Marso 2020, ilang araw bago mag-lockdown dahil sa pandemya, binili ni Uy ang 45% sosyo ng Chevron sa Malampaya sa halagang $545 milyon. Inaprubahan ito ng DOE nitong Abril 2021. Nitong Mayo 2021, binili ni Uy ang 45% sosyo ng Shell sa Malampaya, na tinatayang aabot sa $460 milyon. Sa loob ng isang taon, napasakamay ni Uy ang 90% sosyo sa Malampaya. Natitira ang 10% sosyo sa gubyerno.
Walang duda na nagpadulas sa mabilis na paglamon ni Uy sa Malampaya ang emergency powers ni Pang. Duterte. Nakabaon sa Bayanihan 2 law (RA 11494) ang isang probisyon na tila sinukat para sa pangangailangan ni Uy na nagsusupinde sa kapangyarihan ng Philippine Competition Commission na mag-imbestiga sa mga acquisition at takeover ng mga korporasyon na nagkakahalagang Php 50 bilyon o mas mababa. Tumpak kayo, kabilang dito ang dalawang transaksyon ni Dennis Uy.
Ngunit bakit nagmamadali si Uy na magmay-ari ng Malampaya gas field na masasaid na pagdating ng 2027? Batid niya na hindi ang nalalabing natural gas ang mahalaga rito kundi ang mahigit 500-kilometrong pipeline mula sa Malampaya hanggang Batangas na gumagapang sa ilalim ng dagat. Stratehiko ang halaga nito para sa anumang mapauunlad na balon ng natural gas sa West Philippine Sea sa hinaharap (katulad ng Sampaguita gas field), sapagkat magsisilbing dugtungan at daluyan ang Malampaya pipeline patungo sa isla ng Luzon. Kung sino ang may kontrol sa pipeline ng Malampaya ang siya ring may kontrol sa pagmimina ng enerhiya mula sa West Philippine Sea sa hinaharap.
Sa madaling sabi, habang rumaragasa ang pandemya sa daigdig at bansa, tiniyak ni Duterte na ang susi sa pagsasamantala sa likas-yaman ng West Philippine Sea ay nasa kamay ng kanyang krony na kasosyo ng China.