Bardagulan na
Bardagulan na
June 30, 2021
Sumiklab na sa lantad na komprontasyon ang nagbabagang bangayan sa pagitan ni Pang. Duterte at ni Sen. Manny Pacquiao. Sa kanyang pinakahuling “Talk to the Nation,” nagpakawala si Duterte ng kumbinasyon na nagsisilbing babala kay Pacquiao na “salita nang salita na three times daw tayo mas corrupt.”
Matapos magbitiw ng hamon ng debate kay retiradong Supreme Court Justice Antonio Carpio na bahag-buntot namang inurungan, may bagong pahayag si Duterte kay Pacquiao: “So I am challenging him. Ituro mo ang opisina na corrupt, at ako na ang bahala. “Within one week, may gawin ako.” Agad na sinundan ito ng banta: “If you fail to do that, I will campaign against you because you are not doing your duty.”
Alalahanin natin na parehong mga pinuno ng naghaharing partido ng administrasyon ang Pangulo at ang senador, si Duterte bilang chairman habang si Pacquiao bilang presidente ng PDP-Laban. Kumpirmasyon ang kumbinasyong hamon at banta ni Duterte na itinuturing na niyang kaaway si Pacquiao, na desidido na bagaman hindi pa deklaradong tatakbo bilang Pangulo sa halalang 2022. Batid ni Duterte na maaaring humadlang ang senador sa hangad niyang mapagpatuloy ang kapit sa poder sa pamamagitan ng pagluklok ng kanyang anak na si Sara (o ng kanyang alalay na si Sen. Bong Go) sa Malakanyang bilang kahalili. May malawak na popularidad si Pacquiao, bilang Pambansang Kamao at ilang ulit na kampyeong pandaigdig sa boxing, laluna sa hanay ng maralita, at walang dudang aagaw ng botong Mindanao mula kay Sara kung sakaling magtapat sila. Kaya ngayon pa lamang, ipinahiwatig na ni Duterte ang kahandaan niyang gumamit ng maruming taktika (ng pagkalkal ng personal na iskandalo) upang durugin si Pacquiao bilang kandidato: “‘Pag hindi mo nagawa yan araw-arawin kita. I will expose you as a liar at ‘yung buhay mo, kilala naman kita noon pa.”
Sa ngayon, nasa dehadong posisyon si Pacquiao. Tinulak siya sa corner ng ring ng mga alagad ni Duterte sa PDP-Laban, na nagmamaniobra upang patalsikin ang senador sa sarili niyang partido. Ngayon, hinahamon siyang makipagpalitan ng suntok kay Duterte sa isyu ng katiwalian. Gayong may 11 buwan pa bago maghalalan, nariyan ang posibildad na mapulbusan si Pacquaio ng bantang demolition job ni Duterte at ma-knock out ang kanyang pangarap na tumakbo bilang presidente bago pa man sumapit ang petsa ng filing ng candidacy sa Oktubre.
Pero huwag nating kalimutan na 8-division world champion si PacMan. Alam niya na opensa ang pinakamahusay na depensa. Maagap at walang pag-aatubili ang kanyang tugon. Pinuntirya niya ang pangungurakot kaugnay sa pandemya: “Tinatanggap ko ang hamon ng Pangulong Rodrigo Duterte. …Magsimula tayo sa DOH. Silipin at busisiin natin lahat ng mga binili mula sa rapid test kits, PPE [personal protective equipment], masks at iba pa. Handa ka ba Sec. Francisco Duque na ipakita ang kabuuan ng iyong ginagastos? Saan napunta ang pera na inutang natin para sa pandemya?” Kung makapaglulunsad ng imbestigasyon sa Senado si Pacquiao, maaaring yumanig ito sa administrasyong Duterte.
Bilang kampeon, alam ni Pacquiao ang ginuntuang alituntunin sa loob ng ring, na maaaring gumabay sa kanya sa kasalukuyang sitwasyon: “Patulugin mo, o patulugin ka.”