Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-08-04

Natapilok

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Natapilok

August 04, 2021

Walang pahayag, kautusan, kuwento o anupamang bahagi ng sa kalakha’y kalimot-limot na talumpati na binigkas ni Pang. Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address ang masasabing nag-iwan ng marka sa pubiko. Sa halip, ang isang bagay na malamang na mananatili sa pambalanang alaala ay ang imahe ng pangulo na uugod-ugod na humahakbang sa pagpasok niya sa Session Hall ng Batasang Pambansa.

Pagkatapos ng SONA, lumaganap sa social media ang pinagdugtong na video clip ng eksena ng entrada ni Duterte sa kanyang unang SONA noong 2016 na sinundan ng eksenang nabanggit sa itaas. Markado ang pagbagsak ng pangangatawan at kalusugan ni Duterte: noong 2016, matikas at matipuno siyang humakbang patungo sa rostrum; paglipas ng limang taon, halos matapilok siya sa sarili niyang mga paa.

Matagal nang paksa ng spekulasyon at haka-haka ang tunay na estado ng kalusugan ng Pangulo. Pinaninidigan ng Malakanyang na may right to privacy si Duterte at walang obligasyong ilantad sa publiko ang kanyang medical records (bagay na kinuwestyon sa Supreme Court ngunit binasura nito). Anuman ang katotohanan hinggil sa kanyang kalusugan, hindi maikakailang katotohanan ang nasaksihan ng lahat noong araw ng SONA: sa kanyang edad na 76 taong gulang, hindi naiwasan ni Duterte ang likas na epekto ng pagtanda.

Yamang si Duterte rin mismo ang naglutang ng ideya na maaari siyang tumakbo bilang Bise-Presidente ng Republika sa 2022, may karapatan ang publikong mag-usisa hinggil sa kanyang kalusugan. May pisikal na kakayahan ba siyang gumampan bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng gubyerno? Kaya ba niyang lumahok si pambansang kampanyang elektoral?

Marahil, binabagabag din ng ganitong tipo ng mga katanungan ang kampo ng naghaharing koalisyon ni Duterte habang naghahanda itong sumabak sa pambansang halalan sa 2022. Batid ng lahat na si Rodrigo Duterte mismo, at walang iba, ang tanging indibidwal na nakapagbubuklod sa iba’t iba at magkatunggaling paksyon ng kanyang koalisyon. Kaya kayang pagkaisahin ni Sara Duterte ang mga ito sa ilalim ng kanyang pamumuno, laluna kung may pagdududa sa kalusugan ng kanyang ama? Paano na si Sen. Bong Go? Ang mga kaklase, brod sa fraternity, at samut-saring mga kaibigan na bumubuo ng inner circle ng Pangulo?

Pinagpapalagay ng marami na ang oposisyon ang may malaking problemang hinaharap at kailangang lutasin upang magkaisa sa ilalim ng isang kandidato sa pagkapangulo sa 2022. Walang duda na pinoproblema rin ito ng kampo ng mga Duterte.