Ilusyon ng micro-herd immunity
Ilusyon ng micro-herd immunity
August 25, 2021
Noong nakaraang linggo, tinalakay sa espasyong ito ang malamang na paglaho ng posibilidad na mawawakasan ang pandaigdigang pandemya ng COVID-19 sa pamamagitan ng lubos na pagpuksa o eradikasyon ng virus na SARS-CoV-2. Sa kasalukuyan, nasasaksihan sa iba’t ibang bansa (kabilang ang Pilipinas) ang bagong daluyong ng mga kaso na nagaganap kahit sa mga bansang may pinakamataas na antas ng pagbakuna ng kanilang populasyon, tulad ng US, Israel, at UK. Bunsod ito ng mga bago at higit na nakahahawang variant, tulad ng Delta at Lambda, na may higit na kakayahang makalusot sa proteksyon kontra impeksyon na ginagawad ng mga bakuna.
Kung maaaring madapuan ng COVID maging ang bakunado, at higit pa, kung maaari ding makahawa sila ng iba, hindi na maaring makamit ang inaasam na herd immunity. Sa halip na mapawi sa balat ng lupa (katulad ng nagyari sa unang SARS coronavirus na lumitaw noong 2003 at kusang naglaho), magiging permanenteng bahagi ng ating mundo ang SARS-CoV-2 (tulad ng maraming ibang virus, mula sa perwisyong sipon hanggang sa nakamamatay na HIV at Ebola).
Ano ang ibig sabihin nito? Paano mababago ang ating tugon sa pandemya, maging sa antas ng lipunan, gubyerno, o indibidwal? Walang makapagbibigay ng tiyak at komprehensibong sagot dito. Ngunit walang dudang kailangang isantabi na ang mga konsepto ng “bubbles,” “micro-herd immunity,” at iba na nakabatay sa paghihiwalay ng bakunado at hindi bakunado.
Sa halip, ilang bagay ang maaaring panghawakan. Una, lalong tumatampok ang kahalagahan ng pagbakuna. Kung hindi mawawaksi ang coronavirus, malamang na makatatagpo mo ito pagdating ng panahon. Walang dudang mas mainam na may signipikanteng proteksyon ka laban sa malubhang sakit o kamatayan na ginagawad ng bakuna, kaysa wala kung hindi ka bakunado. Para sa mga gubyerno, ibig sabihin nito na 100% na ang kinakailangang target ng anumang programa ng pagbakuna laban sa COVID, hindi na lamang ang 70% na itinakda noong panahong posibilidad pa ang pagkamit ng herd immunity.
Pangalawa, habang hindi nakakamit ang pagbakuna ng pinakamalaking bilang ng populasyon, nanatili ang halaga ng pagpapanatili ng mga mabisang health protocols, tulad ng pagsuot ng de kalidad na face mask, social distancing, at pagtiyak ng sapat na bentilasyon o daloy ng sariwang hangin sa loob ng mga tahanan, opisina, pagawaan, at iba pang establisimento.
Pangatlo, lalong kinakailangang paunlarin ang kakayahan ng bansa sa testing at tracing, na nanatiling rekisito para matukoy at makontrol ang mga kadena ng pagkahawa sa komunidad. Bukod sa pagpapataas ng RT-PCR testing capacity (malinaw na hindi nakasasapat ang kasalukuyang antas na mahigit-kumulang sa 60,000 kada araw), kailangang mapabagsak ang presyo at mapalaganap ang mga home testing kit na maaaring regular na isagawa ng sinuman, kung hindi man araw-araw.