Walang paglalagyan?
Walang paglalagyan?
November 03, 2021
“And today, I announce my retirement from politics.” Mga salitang binitiwan ni Pang. Rodrigo Duterte noong Oktubre 2, nang isinantabi niya ang kanyang planong tumakbo bilang Bise-Presidente sa 2022 at sinamahan, sa halip, ang kanyang alalalay na si Sen. Bong Go sa paghain sa Comelec ng kandidatura para sa naturanf puwesto.
Sa totoo lang, hindi ito ang unang pagkakataon na nag-anunsyo si Duterte ng pagretiro sa politika. Ginamit niya rin ang ganitong pahayag noong 2015 upang pagtakpan ang kanyang pagtakbo bilang presidente hanggang sa huling sandali.
Ngunit ano nga ba ang mangyayari kay Rodrigo Duterte pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022? Ating talakayin ang ilang mga posibilidad.
Maaari nga siyang magretiro. Ibig sabihin, hindi na siya makikipagsapalaran uoang mahalal sa anumang katungkulan at mamamahinga na lamang bilang pribadong mamamayan. Maaaring sabihing ganito ang piniling landas nina Cory Aquino, Fidel Ramos, at Noynoy Aquino.
Ngunit may mga indikasyon hindi ba handa si Duterte na isuko ang kapangyarihang nakalakip sa mataas na posisyon sa gubyerno. Nananatiling posibilidad ang pagtakbo niya bilang Bise-Presidente. Maaari niyang palitan si Sen. Go sa pamamagitan ng substitution bago sumapit ang tinakdang deadline na Nobyembre 15. Posibleng mangyaro ito kung hindi tumakbo bilang Bise Presidente ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte. Ngunit napakalimitado ng poder ng Bise Presidente at hindi tiyak ang panalo ni Duterte, kung pagbabatayan ang pinalahuling mga survey, kung saan nangunguna si Senate Pres. Tito Sotto.
Pinakatiyak ang panalo ni Duterte kung tatakbo siyang muli bilang Mayor ng Davao City. Bagaman hindi pambansa ang puwesto, mawawasiwas niya and tunay na kapangyarihan at mahahawakan ang pondo at rekurso ng ikatlong pinakamalaking lungsod sa bansa at tradisyonal na balwarte ng kanyang dinasitya. Ngunit bubukas lamang ang posibilidad na ito kung magpapasya si Sara na tumakbo bilang Presidente o Bise-Presidente sa halip na magpahalal muli bilang mayor.
Kamakailan, nilutang ni Energy Sec. Alfonso Cusi, ang kanyang pangunahing tirador sa PDP-Laban, ang posibilidad na tumakbo si Duterte bilang senador sa 2022 at mamuno bilang Senate President. Kapansin-pansin na iniwasan ni Cusi na banggitin ang posibilidad na tumakbo si Duterte bilang Kongresista ng isa sa mga distrito ng Davao (na di hamak na mas madaling ipanalo kumpara sa Senador) upang maging Speaker of the House - bagay na babangga sa ambisyon at balak ng isa pang dating Pangulo, si Gloria Arroyo.
Pinakamalinaw na indikasyon itong huling pakawala ni Cusi ng desperasyon ng kanilang kampo na mahanapan ng puwestong kalalagyan si Duterte pagkatapos ng kanyang termino sa Malacañang. Kung wala pang katiyakan sa landas na pipiliin ni Duterte sa mga susunod na araw, isang bagay ang tiyak - gagawin niya ang lahat upang maiwasan na paglaguan niya ang selda sa The Hague, habang nililitis ng International Criminal Court para sa krimen laban sa pagkatao. Walang dudang umaasa si Duterte at kanyang mga alipores na maaari nilang magamit ang anumang posisyon sa gubyerno na masusungkit sa 2022 upang mahadlangan ang pagpapanagot sa kanilang mga krimen laban sa bayan.