Diskwalipikado
Diskwalipikado
November 10, 2021
Nasira ang diskarte ni Ferdinand Marcos Jr. Noong Nobyembre 2, nagsampa sa Commission on Elections ang ilang mga indibidwal at grupo mula sa hanay ng mga biktima ng diktaduryang Marcos ng petisyon para sa pagkansela ng kanyang certificate of candidacy bilang Pangulo para sa halalang 2022. Sinundan ito ng isang petition in intervention ng isa pang grupo ng mamamayan nitong Lunes. Kung magtagumpay ang kasong ito, mauudlot ang pagtakbo ni Marcos Jr.
Ayon sa petisyon, dapat kanselahin ng COMELEC ang COC ni Marcos Jr. dahil nagsinungaling umano siya nang hindi niya inilahad dito na nahatulan siya ng krimen na may parusang habangbuhay na diskwalipikasyon sa anumang panunungkulan sa gobyerno (“perpetual disqualification from holding any public office”).
Ano ang partikular na krimen na kanilang tinutukoy? Noong 1995, hinatulan si Marcos Jr. na nagkasala ng tax evasion (hindi pagbayad ng buwis) mula 1982 hanggang 1985. Nang dinala niya ito sa Court of Appeals, pinawalang-sala nito ang hatol ng tax evasion, ngunit sinang-ayunan ang hatol ng hindi pag-file ng income tax return mula 1982 hanggang 1985. Naging pinal ang desisyon na ito nang bawiin ni Marcos Jr. ang kanyang apela sa Supreme Court noong 2001.
Heto ang sabit ni Marcos Jr.: ayon sa National Internal Revenue Code of 1977 (Presidential Decree 1158 na isinabatas nang walang iba kundi ang kanyang diktador na ama), ang sinumang opisyal o kawani ng gubyerno na mahahatulang gumawa ng anumang krimen sa ilalim ng naturang batas ay papatawan ng karagdagang parusang habangbuhay na diskwalipikasyon sa panunungkulan sa anumang posisyon sa gubyerno, at sa pagboto at paglahok sa anumang halalan.
Mula 1982 hanggang 1985, nanungkulan si Marcos Jr. bilang bise-gobernador at gobernador ng Ilocos Norte. Samakatwid, opisyal siya ng gubyerno nang ginawa niya ang krimen ng hindi pag-file ng kanyang income tax returns. Dahil nakatala sa rekord ng hukuman na convicted siya ng krimen sa ilalim ng NIRC, diskwalipikado siyang tumakbo sa halalang 2022. (Kung nakatakbo man, nagwagi, at nanungkulan si Marcos Jr. mula nang maging pinal ang hatol sa kanya noong 2001 sapagkat hindi pinatupad, hindi nito nababago ang katotohanan na nananatili at umiiral pa rin ang parusang perpetual disqualification sa kanya.)
Kung gayon, tunay ngang nagsinungaling si Marcos Jr. sa kanyang Certificate of Candidacy at matibay ang batayan para kanselahin ito ng COMELEC.
Hindi maaaring maliitin ni Marcos Jr. at ng kanyang kampo ang nakahaing petisyon. Isa itong espada ni Damocles na maaaring tumagpas sa kanyang ambisyong pampangulo sa anumang sandali. Liban pa sa bagahe ng diktaturang Marcos, parang aninong hindi niya matatakasan ang usapin ng kanyang posibleng diskwalipikasyon. Kung hindi agad at lubos na mababasura ang petisyon (at iba pang mga kaso na tiyak na isusunod pa ng oposisyon), mananatili ang posibilidad ng diskwalipikasyon kung sakaling magwagi man siya sa 2022.
Dagdag pa, napahina ang kanyang posisyon sa loob ng koalisyong Duterte-Marcos. Kayang impluwensiyahan ni Pang. Duterte ang kanyang kaso, yamang mga appointees niya ang mga COMELEC Commissioner na magpapasya sa petisyon. Maaari ding gamiting batayan ni Mayor Sara Duterte ang posibleng diskwalipikasyon ni Marcos Jr. upang ituloy ang sarili niyang pagtakbo bilang Presidenta at isantabi ang kanilang posibleng tambalan. Nitong Lunes, inanunsyo ni Sara ang pagbawi niya ng kanyang kandidatura bilang mayor ng Davao City.
Magsasanib-puwersa ba ang mga Duterte at Marcos sa 2022? Bongbong-Sara ba o Sara-Bongbong? O mababasag ba ang alyansa at tatapatan ni Sara si Marcos Jr. sa laban para sa pagkapangulo? Abangan ang huling araw ng substitution sa Nobyembre 15.