Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-11-17

Duterte kontra Marcos

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Duterte kontra Marcos

November 17, 2021

Pinaasa tayo nang ilang linggo, mula ng simula ng filing ng kandidatura para sa halalang 2022 nitong simula ng Oktubre, na sa pagsapit ng Nobyembre 15, huling araw para sa substitution ng mga kandidato, may huling alas na huhugutin mula sa balasa si Pang. Duterte at kanyang maitatanghal ang tambalang tatalo sa lahat ng tambalan para sa Presidente at Bise-Presidente sa 2022. Sa halip, nasaksihan natin ang pagkawasak ng kanyang naghaharing koalisyon at ang lantarang tunggalian ng mga paksyong bumubuo nito.

Malinaw na ngayon ang gusto sanang mangyari ni Duterte para sa eleksyon: tumakbo ang kanyang anak na si Sara bilang Presidente katambal ni Sen. Bong Go bilang Bise-Presidente. Para sa kanya, kailangang Duterte pa rin ang pumalit sa kanya sa MalacaƱang. Ito nga naman ang tanging garantiya na matatakasan niya ang pananagutan sa mga kasong tiyak na haharapin niya pagkatapos ng kanyang panuningkulan bilang Pangulo.

Ngunit ano ang aktwal na nangyari? Hindi sumunod sa script ng ama ang anak. Nagpasya si Sara na tumakbo bilang Bise-Presidente sa ilalim ng partidonf Lakas-CMD ni Gloria Arroyo. Dahil dito, wala nang anumang posibilidad na Duterte pa rin ang makauupo sa MalacaƱang sa 2022. Naudlot ang pangarap ni Digong ng dinastikong paghalili ng Duterte sa Duterte. Nitong Lunes, tinanggap ni Sara ang alok na makipagtambalan siya kay Bongbong Marcos, na tumatakbong Presidente.

Dahil sa pagyuko ni Sara kay Bongbong, napilitan ngayon si Digong na itaya ang kanyang kinabukasan sa kanyang alalay na si Sen. Bong Go, bilang pambatong kandidato sa pagkapangulo. Samantala, itinuloy ni Duterte ang pagtakbo niya bilang Senador. Sa totoo lang, sa pagitan nilang tatlo nina Sara at Go, si Digong lamang ang may tiyak na panalo bilang senador. Samantala, hindi birong katunggali ni Sara si Sen. Tito Sotto bilang Bise-Presidente, habang nangungulelat sa mga presidentiable si Go.

Yamang mahinang kandidato ang kanyang manok, umaasa si Digong na maipalanalo niya si Go sa kumbinasyon ng kanyang popularidad at kontrol sa rekurso at makinarya ng gubyerno.

Kung gayon, itinuturing ni Digong bilang pangunahing karibal ng kanyang manok na si Go si Bongbong Marcos, yamang siya na ang nangungunang presidentiable sa mga pinakahuling survey. Kakatwang sitwasyon na nalikha nito: madaragdag si Digong at kanyang mga alipores at tagasuporta sa mga bibira sa kandidatura ni Marcos Jr., na dating esklusibong prangkisa ng mga Pula at Dilaw. Kung sakaling gamitin ni Duterte ang kanyang mga appointees sa Comelec upang ipakansela ang kandidatura ni Marcos Jr., pangunahing makikinabag dito hindi si Bong Go kundi si Leni Robredo, na pumapangalawa na ngayon sa mga survey.