Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-12-01

Kandidato ng administrasyon

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Kandidato ng administrasyon

December 01, 2021

Walang nagulat sa anunsyo ni Sen. Bong Go na umaatras na siya sa pagtakbo bilang presidente sa halalang 2022. Mahigit dalawang linggo lamang ang tinagal ng kanyang kandidatura para sa pinakamataas na puwesto. Alam ng lahat, laluna ng kanyang among si Pang. Duterte, na walang pag-asang manalo si Go.

Maaaring ituring ang mga binitiwang pasaring ni Pang. Duterte sa isang mayamang presidentiable na sumisinghot ng cocaine at mahinang lider kumpara sa ama (na itinuring ng lahat na patama kay Bongbong Marcos) bilang pag-aalburoto ng isang batang inagawan ng kendi.

Sa kabila ng kaniyang umano’y walang kapantay na popularidad, nabigo si Duterte na makapili at magtakda ng kandidatong hahalili sa kanya sa Malakanyang. Isang katotohanan ng politika sa Pilipinas na habang papalapit ang pambansang halalan, naglalaho ang hatak ng Pangulong may taning ng isang termino, at unti-unting lumilipat ang mga politiko sa bakuran ng pinakamalakas na presidentiable. Malamang na magdeklara si Duterte ng suporta sa kandidatura ni Marcos Jr. kapalit ng garantiya ng proteksyon at iba pang mga pabor at kahilingan.

Nagbigay-liwanag din ang sigalot sa hanay ng naghaharing koalisyon ni Duterte, na humantong sa pag-atras ni Go, hinggil sa tindig at pakikitungo ng ilang mga presidentiable kay Pang. Duterte at sa kanyang administrasyon. Pinahayag ni Manila Mayor Isko Moreno na ikagagalak niya kung sakaling siya ang mabiyayaan ng pag-endorso ni Pang. Duterte bilang pambato ng administrasyon. “Kung ako ang mapupusuan nila, uy salamat, thank you in advance. Pero ayaw ko pa rin pangunahan sila until they say so. For the meantime, I’m always hopeful.” Pinakamalinaw na indikasyon ito na hindi maaaring isama si Moreno sa hanay ng oposisyon.

Paano naman si Sen. Manny Pacquiao? Matatandaan na noong Nobyembre 10, limang araw bago ng deadline para sa substitution ng mga kandidato, biglang lumitaw sa balita na bumisita siya sa Malakanyang at nagkaroon ng maikling pagkikita kay Duterte. “Kamustahan lang. Maikli na usapan. Renewal of friendship. Walang politika,” ayon kay Go, na kasama sa naganap.

Matapos ang mapait na tunggalian na nagresulta sa pagkahati ng naghaharing partidong PDP-Laban, malinaw na nais ipakita sa publiko ng kampo ni Pacquiao at ng Pangulo na nananatiling “magkaibigan” umano ang dalawa. Maaari ding sabihing nagbigay si Pacquiao ng senyales na bukas at handa siyang tumanggap ng basbas ni Duterte bilang kandidatong pangulo.