Makasaysayang desisyon
Makasaysayang desisyon
December 08, 2021
Binalita nitong Lunes na pinagbotohan na ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang mga petisyon na nagpapabasura sa Republic Act 11479, ang Anti-Terrorism Act. Gayunman, pinaliwanag ng spokesperson ng Supreme Court na si Atty. Brian Keith Hosaka na maaantala ang opisyal na pagpapahayag ng desisyon. Kinailangan umanong magbotohan ang mga mahistrado upang maresolba ang maraming usapin, kaya kailangan pa ng panahon upang susumahin ang resulta.
Matatandaan na niratsada ang pagsasabatas ng bagong batas kontra sa terorismo sa kalagitnaan ng unang lockdown ng pandemya noong Hunyo 2020, alinsunod sa kahilingan ni Pang. Duterte. Nagbunsod ito ng malawak na pagtutol, kabilang ang 37 petisyon na isinampa ng iba’t ibang mga indibidwal at grupo mula sa malawak na hanay ng mga demokratikong pwersa sa ating lipunan. (Isa ako sa mga petitioners ng Makabayan, ang koalisyon ng mga progresibong partido.) Nagkaikaisa sila sa pagtingin na dahil sa labis na malawak na kahulugan ng “terorismo” na itinatakda sa Anti-Terrorism Act, maaaring saklawin nito maging ang mga pahayag at pagkilos na pinoprotektahan ng Saligan Batas.
Isang positibong hugot mula sa anunsiyo ng tagapagsalita ng Korte: malamang na hindi nangyari ang worst-case scenario para sa mga petitioner, na mabasura ang kanilang mga petisyon sa batayang teknikal, nang hindi man lang umabot sa pagtalakay sa mga merito ng kaso. May ilang pangamba na gagamitin ang argumento na hindi pa napapanahon ang pagdulog sa SC yamang wala pang aktwal na kaso ng indibidwal na nahatulan sa ilalim ng bagong batas at, kung gayon, napinsala dahil dito. Ngunit binanggit ng anunsiyo ng Korte na niresolba ang “maraming isyu,” na nagpapahiwatig na binuno ng mga mahistrado ang aktwal na sustansya ng mga petisyon.
Anuman ang maging desisyon ng Korte Suprema, mag-iiwan ito ng malalim na bakas sa kasaysayan ng demokrasya sa ating lipunan. Kung hindi magtatagumpay ang mga petisyon sa Korte Suprema, mapapasakamay ng administrasyong Duterte ang isang makapangyarihang sandata upang lalong pag-ibayuhin ang panunipil, pagpapatahimik, at pagpapakulong sa mga itinuturing nitong kritiko at oposisyon. Gayong desperado si Pang. Duterte at kanyang mga kasapakat na maiwasan ang pananagutan sa mga kaso ng pagpaslang at pandarambong, hindi maaaring isantabi ang posibilidad na gamitin ang Anti-Terror Act laban sa mga katunggali ng mga kandidato ng administrasyon sa darating na halalan, upang matiyak ang panalo ng kanilang mga pambato.