Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-12-15

Banta ng Omicron

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Banta ng Omicron

December 15, 2021

Tuloy-tuloy ang paghupa ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 mula nang maitala ang 26,030 kaso noong Setyembre 11. Rurok ito ng daluyong ng pandemya na nagsimula noong unang kuwarto ng taon, bunsod ng paglaganap ng tinaguriang Delta variant ng SARS coronavirus-2. Nitong nakaraang linggo, pumatak sa 217 ang average na bilang ng kasong naitala kada araw.

Malamang na malaking salik sa pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ang proteksyong dulot ng pagbabakuna kasabay ng patuloy na pagpapatupad ng mga subok na mabisang health protocols, katulad ng pagsuot ng face mask at social distancing. Sa National Capital Region, na episentro ng pandemya, nasa mahigit 90 porsyento ng maaaring bakunahan ang fully-vaccinated. Gayunman, nasa 40.93 milyon ang nakakumpleto ng bakuna, o mahigit-kumulang sa 38 porsyento ng buong populasyon ng bansa. Sa madaling sabi, mas maraming Pilipino pa rin ang hindi bakunado. Sa kabila nito, tila nakasapat sa ngayon ang bilang ng bakunado upang mapabagal ang paglaganap ng COVID-19.

Nitong simula ng Disyembre, nasa Alert Level 2 ang lahat ng rehiyon ng Pilipinas. Pinahihintulutan ang pagbubukas ng karamihan ng mga establisyemento nang hanggang 50% indoor capacity para sa mga bakunado at 70% kapag outdoor. Pinaghahandaan na rin ang pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan. Kumpara sa nakaraang taon, tila magiging mas masaya ang Pasko para sa mga Pilipino.

Gayunman, malaking pagkakamali kung ituring na patapos na ang pandaigdigang pandemya at patungo na tayo sa “new normal.” Nitong Nobyembre, inulat ng mga siyentista sa South Africa ang pagkatuklas nila ng bago at nakababahalang variant ng SARS coronavirus-2. Mabilis na kinilala ng World Health Organization ang banta, at binansagang “Omicron” ang variant.

Bakit banta ang Omicron? Kung higit na nakahahawa ang Delta kumpara sa coronavirus na unang lumaganap sa Wuhan, lalong higit umanong nakahahawa ang Omicron kumpara sa Delta. Batay sa ulat ng ilang bansa na may Omicron (kabilang ang UK at Denmark, bukod pa sa South Africa), nagdodoble raw ang bilang ng kaso sa bawat 2 hanggang 3 araw, kaya mabilis nitong nasasapawan ang Delta bilang pinakamalaganap na variant.

Dagdag pa, mas mabisang nalulusutan ng Omicron ang resistensyang dulot ng mga bakuna. Sa isang pag-aaral sa UK, hindi napigilan ang pagkahawa sa Omicron ng 2 doses ng AstraZeneca paglipas ng 6 na buwan. Bumagsak naman sa 34% (mula sa mahigit 90%) ang proteksyong mula sa impeksyon na dulot ng 2 dose ng Pfizer. Ngunit umakyat ito sa 75% pagkatapos maiturok ang booster. Ayon sa datos mula sa South Africa, nalulusutan din ng Omicron ang likas na resistanyang dala ng impeksyon. Maaari kang muling makapitan ng Omicron kahit dati ka nang nagka-COVID. May preliminaryong datos na nagpapahiwatig na hindi kasing-bagsik ng Delta at mga naunang variant ang Omicron - mas mababa umano ang bilang ng naoospital. Gayunman, maaari pa rin nitong punuin ang mga ospital dahil sa bilis ng paglaganap nito sa populasyon.

Ano ang mga implikasyon nito para sa Pilipinas? Una, malamang na hindi mapipigilan ang pagpasok at paglaganap ng Omicron. Pangalawa, lalong nadiriin ang pangangailangan ng kumpletong pagbakuna sa buong populasyon. Nangnangahulugan ito ng 2 doses at booster. Kailangang gamitin ang kaluwagang dulot ng paghupa ng daluyong ng Delta para tiyaking mabakunahan ang pinakamarami at mabigyan ng booster ang mga kwalipikado.

Kailangang paghandaan natin ang posibilidad na magdudulot ang Omicron ng panibagong daluyong ng mga kaso ng COVID-19 sa unang hati ng 2022 - sa kalagitnaan ng panahon ng kampanya at eleksyon.