Back to List
Logo
kuwentas klaras
2021-12-22

Mandanas ruling

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Mandanas ruling

December 22, 2021

Sa bagong taon, babahain ng dagdag na pondo ang mga kabang-yaman ng mga pamahalaang lokal (Local Government Units o LGU) sa buong bansa. Dahil ito sa pagpapatupad ng tinatawag na “Mandanas ruling.” Ito ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Mandanas vs. Ochoa, kaugnay sa nararapat na bahagi o parte ng mga LGU mula sa mga buwis na sinisingil ng pambansang gubyerno. Bago lumabas ang Mandanas ruling, tinatawag itong Internal Revenue Allotment (IRA), alinsunod sa Sec. 284 ng Local Government Code na nagtatakda na awtomatikong ilalaan ng pambansang gubyerno ang katumbas ng 40% ng “national internal revenue taxes” bilang parte ng mga pamahalaang lokal.

Sinampa ang kaso noong 2012, sa pangunguna ni noo’y Batangas 2nd District Rep. Hermilando Mandanas, na kasalukuyang Gobernador ng naturang probinsya. Nakasama ko siya sa Kongreso mula 2010 hanggang 2013. Natatandaan ko pa kung paanong tinanggal siya ng House Majority sa kanyang puwesto bilang Chairman ng Ways and Means Committee noong 2011, pangunahin dahil ginamit niya ang bawat pagkakataon, laluna sa panahon ng deliberasyon sa national budget, para igiit dapat isama ang buwis mula sa mga import sa komputasyon ng IRA, at kung gayon, di hamak na mas malaki umano ang parteng dapat na matanggap ng mga LGU. Hindi natuwa ang economic managers ng Malakanyang sa kanyang interpretasyon ng batas. Malaking halaga raw ang mababawas sa pambansang kabang-yaman kung gayon. Kaya tinanggal siya sa puwesto. Dinala ni Mandanas ang kanyang argumento sa Supreme Court noong 2012.

Noong 2018, nagdesisyon ang Korte na labag sa Konstitusyon ang Sec. 284 ng Local Government Code dahil nilimita nito sa “national internal revenue taxes” ang mandato ng Konstitusyon na makatatanggap ang mga LGU ng kanilang “equitable share” mula sa “national taxes.” Hindi lamang “internal revenue taxes,” tulad ng income tax, VAT, excise tax, atbp. na singilin ng Bureau of Internal Revenue kundi lahat ng “national taxes,” partikular ang mga singilin ng Bureau of Customs mula sa mga import, ang pagbabatayan ng komputasyon ng parte ng kita ng pambansang gubyerno na ibabahagi nito sa mga LGU. Ito ang tinatawag ngayong “Mandanas ruling.”

Ano ang epekto nito? Dahil sa ruling, permanenteng nabawasan ang pondo ng pambansang gubyerno kada taon, habang nadagdagan naman ang sa mga LGU. Sa 2022, aabot sa Php 959.04 bilyon ang kanilang parte (na tinatawag nang National Tax Allotment o NTA sa halip ng IRA), mas mataas nang Php 263.54 bilyon kumpara sa 2021. Sa susunod, tatalakayin natin ang ilang implikasyon ng bagong kalakarang ito.