Ganap na debolusyon
Ganap na debolusyon
December 29, 2021
Sa taong 2022, ipatutupad ng pambansang gubyerno sa unang pagkakataon ang itinakda ng Korte Suprema sa desisyon nito sa kasong Mandanas vs. Ochoa, o ang tinaguriang Mandanas ruling. Ayon dito, labag sa Konstitusyon ang paglimita ng pambansang gubyerno sa parteng binabahagi nito sa mga pamahalaang lokal sa “national internal revenue taxes” lamang, sa halip ng “national taxes.” Dahil dito, madaragdagan ng Php 263.54 bilyon ang awtomatikong ibabahagi ng pambansang gubyerno sa mga Local Government Units (LGU) sa susunod na taon bilang kanilang National Tax Allotment (NTA) na papalit sa dating Internal Revenue Allotment (IRA).
Bilang tugon sa mandato ng Korte Suprema, nagpasya ang administrasyong Duterte na kanilang iuugnay ang karagdagang pondo na mapapasakamay ng mga LGU sa debolusyon, o ang pagpasa ng responsibilidad para sa mga serbisyo ng pamahalaan mula sa pambansa tungo sa lokal na gubyerno. Sa Executive Order 138, na nilagdaan ni Pang. Rodrigo Duterte nitong Hunyo, minamandato ang ganap na debolusyon (“full devolution”) ng maraming mga serbisyo ng pambansang gubyerno sa mga LGU sa katapusan ng 2024. Kabilang sa mga sasaklawin ng ganap na debolusyon ang health at social welfare services; agricultural support services; general hygiene and sanitation;roads, bridges, water supply systems; iba pang local infrastructure; tourism facilities; low-cost housing; at iba pa.
Kailangang idiin na walang inatas ang Mandanas ruling hinggil sa debolusyon. Kapasyahan ng administrasyong Duterte na ikawing ang pagpapatupad nito sa ganap na debolusyon sa 2024. Totoong minamandato ng Local Government Code ang debolusyon. Ngunit pinakita ng halos tatlong dekadang pagpapatupad ng debolusyon ng serbisyong pangkalusugan na limitado ang kakayahan ng halos lahat ng mga LGU sa buong bansa na suportahan at igawad ang sapat at de kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mamamayan. Lalong diniin ng pandemya ang mga kakapusan sa health workers, gamot, medical equipment at supplies, at infrastructure ng mga barangay health center at ospital sa antas ng distrito, munisipyo, siyudad, at probinsya.
Pangunahing dahilan ng kakapusan ng serbisyong pangkalusugan sa antas lokal ang kapos na pondo ng mga LGU. Totoo rin ito para sa iba pang serbisyong nakaatang sa kanila. Dahil sa tagibang na pag-unlad ng ekonomiya, na pangunahing konsentrado sa ilang malalaking siyudad at rehiyon, limitado ang kakayahan ng mayorya ng mga LGU na magpalitaw ng sarili nilang kita mula sa mga lokal na buwis. Madagdagan man ang kanilang parteng matatanggap bilang National Tax Allotment dulot ng Mandanas ruling, hindi pa rin ito makasasapat para sustentuhan ang ganap na debolusyon. Sa madaling sabi, maaaring magresulta sa lalong pagbagsak sa kalidad ng mga serbisyo ng pamahalaan ang sapilitang pagpapatupad ng ganap na debolusyon.
Samantala, kailangan ding banggitin ang realidad ng pamamayagpag ng mga dinastiya at malaganap na korupsyon sa iba’t ibang antas ng lokal na pamamahala. kakapusan ng mekanismo para sa higit na transparency at accountability sa antas-lokal. Walang katiyakan na magdudulot ng mas magandang serbisyo para sa mamamayan ang dagdag na pondong babagsak sa kabang-yaman ng mga LGU dulot ng Mandanas ruling. Ngunit tiyak na magpapahigpit ito sa kapit sa poder ng mga dinastiya at magpapalala sa korupsyon kung mananatiling mahina ang mga mekanismo ng transparency at accountability sa antas ng lokal na pamamahala,