Back to List
Logo
kuwentas klaras
2022-01-19

Ang kasalanan ng anak

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Ang kasalanan ng anak

January 19, 2022

Isang gasgas na linya ng depensa na pinalalaganap ng bata-batalyong mga bayarang troll sa social media at mga tagasuporta ni Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t ibang bersyon ng kasabihan na hango sa Bibliya (Ezekiel 18:20) na “Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak.”

Sa ganitong bersyon ng script ng mga social media managers ni Marcos Jr., tinatanggap sa halip na tinatanggi na may mga naganap na krimen o kasalanan laban sa mamamayan sa panahon ng Martial Law, tulad ng mga paglabag sa karapatang pantao o pandarambong sa kaban ng bayan, ngunit itinututok ang responsibilidad at pananagutan sa kanyang ama o di kaya sa inang si Imelda, habang ginigiit na busilak at walang anumang bahid nang dugo o dumi ang mga kamay ni Marcos Jr. Mali umano na isisi sa kanya at panagutin siya dahil sa mga ginawa ng kanyang ama.

Sa kasamaang palad, tumatalab sa hindi iilan sa hanay ng publiko ang ganitong propaganda ng makinaryang PR at socmed ni Marcos Jr. Walang dudang salik ito sa kasalukuyang pagtaas ng rating niya bilang kandidato sa pagkapangulo sa mga pinakahuling survey.

Napapanahon ang mga pahayag nina Neri Colmenares, kandidato para sa Senado ng Makabayan, at retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, lead convenor ng 1Sambayan, na nagdiriin sa direkta at nagpapatuloy na papel ni Marcos Jr. sa mga mabigat na kasalanan laban sa bayan. Ayon kay Colmenares, patuloy niyang hinahadlangan ang mga pagsisikap ng gubyerno na bawiin ang ill-gotten wealth ng mga Marcos. Mula nang itatag ang Philippine Commission on Good Government noong 1986, na may mandatong bawiin ang nakaw na yaman ng mga Marcos, narekober nito ang mahigit Php 170 bilyon habang hinahabol pa nito ang pagbawi ng mahigit Php 125 bilyon.

Pinaliwanag naman ni Carpio na, bilang isa sa mga executor (kasama ni Imelda) ng estate ni Ferdinand Marcos, hindi siya nagbayad ng estate tax nang mamatay ang kanyang ama noong 1989. Dahil hindi pa rin ito bayad hanggang sa kasalukuyan, umaabot na sa Php 203.8 bilyon ang buwis at penalties na singilin ng Bureau of Internal Revenue sa kaniya.

Sa dalawang halimbawa pa lamang na ito, umaabot sa Php 328.8 bilyon na nakaw na yaman at utang na buwis ang pinagkakait ni Marcos Jr. sa gubyerno at mamamayan. Mas malaki pa ito sa pinagsamang badyet ng Department of Health na Php 188.3 bilyon at 107.67 bilyon ng Pantawid Pamilya Program ng Department of Social Welfare and Development. Sa madaling sabi, mapopondohan ang kalusugan at kabuhayan ng milyon-milyong mga naghihirap na Pilipino ngayong panahon ng pandemya kung gawin lamang ni Marcos Jr. ang tama at isauli ang nakaw na yaman at iba pang pananagutan ng kaniyang pamilya sa gubyerno at mamamayan.