Back to List
Logo
kuwentas klaras
2022-01-26

Midnight Deal

AT
Rep. Antonio Tinio
ACT Teachers Partylist

Midnight Deal

January 26, 2022

Naibalita nitong linggo ang desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na ibigay sa bilyonaryong si Manny Villar ang mga television broadcast frequency na dating ginagamit ng ABS-CBN, ang dambuhalang broadcasting corporation na pag-aari ng mga Lopez na pinagkaitan ng prangkisa ng Kongreso noong Hulyo 2020 alinsunod sa kagustuhan ni Pang. Rodrigo Duterte.

Nitong Enero 5, ginawad ng NTC sa Advanced Media Broadcasting System, Inc. (AMBS) ni Villar ang isang provisional authority na gamitin ang Channel 16 (ang digital channel na dating naka-assign sa ABS-CBN) upang magpatakbo ng isang Digital Television Broadcasting System sa Metro Manila at Mega Manila (ibig sabihin, saklaw ang mga karatig na probinsya tulad ng Rizal, Cavite, Laguna, at Bulacan). May 18 buwan ang bisa ng provisional authority. Kasabay nito, pinahintulutan din ang AMBS na gamitin ang Channel 2 (ang analog frequency na dating hawak ng ABS-CBN) para sa mga simulcast, na may bisa hanggang sa nakatakdang pagphase-out umano ng paggamit ng mga analog frequency para sa telebisyon na nakatakda sa 2023.

Ano ang mga implikasyon nito? Una, sinasara nito ang pinto sa madaling pagbalik sa ere ng ABS-CBN. Kung may umaasa na mabibigyan ito ng bagong prangkisa ng Kongreso sakaling maging mas paborable ang sitwasyon para sa kanila sa ilalim ng papalit na administrasyon, hindi na ito magiging madali yamang hawak na ni Villar ang kanilang mga TV frequency. Pangalawa, binigay ng administrasyon (sa pamamagitan ng NTC) kay Villar ang susing sangkap para maging bagong higante sa larangan ng mass media, kung magpasya siyang buhusan ng puhunan ang negosyong ito.

Sa huling kilos na ito ng NTC, nalantad na ang buong gameplan ni Pang. Duterte kaugnay sa ABS-CBN. Layunin ng mga tirada niya, na nagsimula sa pag-upo niya sa puwesto noong 2016, hindi lamang ang pagkait ng prangkisa sa angkang Lopez na itinutiring niyang kaaway sa pulitika kundi ang pagbawi sa mga frequency nito upang maigawad sa kanyang kakampi. Si Villar ang kinikilalang pinuno at pangunahing tagapondo ng Nacionalista Party, isa sa mga haligi ng supermajority coalition ng administrasyon sa Kongreso. Nagsilbing Department of Public Works and Highways Secretary ni Duterte ang kanyang anak na si Mark Villar.

Maihahanay ang sinapit ng ABS-CBN sa modus o padron ng paggamit ni Pang. Duterte ng kanyang impluwensya at kapangyarihan upang mapaboran ang mga malaking negosyante na itinuturing niyang kakampi. Ginagamit niya ang retorika ng pagbanat sa mga oligarko, sumasakay sa mga lehitimong hinaing ng publiko (tulad ng mabagal sa internet o pagtaas ng presyo ng tubig), o nag-iimbento ng mga hinaing (tulad ng mga walang batayang akusasyon sa ABS-CBN) upang gipitin ang mga malaking negosyante at mapilitang magbigay-daan sa mga pinapaboran ng Malacanang. Sa ganitong paraan nilipat ng mga Ayala ang Manila Water kay Razon; nahawan ang landas para sa DITO Communications (ang “third telco”) ni Dennis Uy; at napasakamay din ni Dennis Uy ang control sa Malampaya pipeline - bagay na kinekwestyon ni Sen. Sherwin Gatchalian bilang “midnight deal” na minamadali ng Department of Energy.

Ano pa kayang mga “midnight deal” ang bubulaga sa publiko sa mga nalalabing buwan sa puwesto ni Pang. Duterte?