Pagkakaisa
Pagkakaisa
February 02, 2022
Nang inanunsyo ni Vice President Leni Robredo noong unang linggo ng Oktubre 2021 ang kanyang pasyang tumakbo bilang presidente sa halalang 2022, marami ang umasa at nag-abang sa kagyat na suporta at pag-endorso ng Koalisyong Makabayan (na nagtitipon ng mga progresibong partido na karaniwang tinatawag na “Kaliwa”) sa kanyang kandidatura.
Dalawang bagay ang pinagmulan ng ganitong pag-asa: pareho silang kinikilala bilang mga prominenteng kritiko ng administrasyong Duterte, laluna ang militarista at pahirap na tugon nito sa pandemya at masahol na rekord ng panunupil sa karapatang pantao at kalayaang magpahayag; at pareho silang nagdiriin ng kahalagahan ng pagbubuo ng pagkakaisa upang mapigilan ang tagumpay ng isa pang Duterte o Marcos, o tambalan ng dalawa, sa darating na halalan.
Ngunit hindi nangyari ang kagyat na pagkakaisa ng kampo ni Robredo at ng Kaliwa. Nagpasya si Robredo na hindi niya isasama si Neri Colmenares, isa sa mga kandidato sa Senado ng Makabayan, sa kanyang senatorial slate. Nagdeklara ang Makabayan na nasa proseso pa ito ng internal na deliberasyon hinggil sa kandidatong susuportahan bilang presidente.
Samantala, pagsapit ng Nobyembre 15, huling araw ng substitution ng mga kandidato, naitanghal ang pagsasanib ng mga pwersa ng tiraniya sa ating kasaysayan: nabuo ang tambalang Bongbong Marcos bilang presidente at Sara Duterte bilang bise presidente. Pinakita ng mga survey ng Pulse Asia at SWS ang potensyal na lakas ng tambalang ito sa halalan. Umabot umano sa 50% o higit pa ang suporta para sa kanilang kandidatura. Dahil dito, lalong tumapok ang pangangailangang magkaisa ang mga pwersa ng oposisyon kung nais nitong magtagumpay sa Mayo.
Nitong nakaraang Sabado, isinapubliko ng Koalisyong Makabayan ang desisyon nitong suportahan si Robredo at si Sen. Kiko Pangilinan bilang kandidatong presidente at bise presidente. Sila umano ang “tumindig bilang tunay na pwersang oposisyon” at kumakatawan sa “pinakamahusay na tsansa natin para biguin ang tambalang Marcos-Duterte.” Nakabatay ang kanilang pag-endorso sa komon na tindig sa mga isyu ng mamamayan, ang naging track record ng mga kandidato, at ang napakahalagang laban para biguin ang tambalang Marcos-Duterte. Natuklasan ang ‘komon na tindig” sa pamamagitan ng direktang dayalogo ng ilang lider ng Makabayan at Bayan kay Robredo hinggil sa mga isyu na naganap noong Oktubre, patuloy na palitan ng mga pagtingin sa pagitan ng dalawang panig, at konsultasyon sa iba’t ibang sektor hinggil sa kanilang mga suliranin at pangangailangan.
Masaklaw ang inihayag na “komon na tindig” ng Makabayan. Kabilang dito ang makataong tugon sa pandemya; pagwawakas sa endo at pagkamit ng nakabubuhay na sahod; pagpigil sa land conversion; pagsuporta sa mga magsasaka at maliit at panggitnang negosyo; pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at pagtigil sa extrajudicial killings, red-tagging, at iba pang anyo ng panunupil; pagsuporta sa imbestigasyon ng International Criminal Court upang panagutin si Duterte sa kanayng pekeng gera kontra droga; pagsampa ng mga kaso sa mga opisal na nangurakot; pagtanggol ng ating soberanong karapatan sa West Philippine Sea at pagrepaso sa mga di-pantay na probisyon ng Visiting Forces Agreement sa US.
Bilang tugon, dineklara nina Robredo at Pangilinan ang kanilang kahandaang makipagtulungan hinggil sa mga isyung nabanggit. Tiyak na makahahamig ng higit na malawak na suporta para sa kanilang kandidatura, laluna mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, at maralita, kung patatampukin at pag-iibayuhin pa nina Robredo at Pangilinan ang kanilang pagsulong sa mga isyung ito.